Ni JOEL O. AMONGO
TUMATAGINTING na 108.6-milyong halaga ng droga ang kumpiskado sa magkahiwalay na operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at mga katuwang na ahensya nito lamang nakaraang linggo ng Semana Santa sa Quezon City at Cavite.
Sa pinagsanib na operasyon kontra droga ng mga
operatiba mula Manila International Container Port-Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Quezon City Police District (QCPD, Philippine National Police – Drug Enforcement Group, (PNP-DEG) at National Capital Region Police Office (NCRPO), kumpiskado ang tinatayang nasa 12 kilo ng shabu sa Quezon City.
Sa ulat ng MICP-CIIS, arestado ang isang Kamlum Deragin Dampa alyas “Bryan Macarimbang” sa aktong pagbebenta ng droga sa mga
operatiba sa kahabaan ng Examiner St. sa nasabing lungsod.
Sa pagtataya ng PDEA, aabot sa P81.6 milyon ang drogang nakuha sa pag-iingat ng suspek na nakapiit at nahaharap sa kasong pag- labag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Drugs Act).
Kasunod ng nasabing operasyon, timbog naman sa Trece Martires City ang isang hindi na pinangalanang consignee ng kargamentong naglalaman ng P27.6 milyong halaga ng drogang ikinubli sa mga kumot na ipinadala mula sa New Delhi, India.
Sa ulat ng BOC-Port of Clark, bistado ang kontrabando makaraang magpamalas ng kakaibang pagkilos ang kanilang K9 sniffing dogs sa isinagawang routine inspection ng mga bagong dating na kargamento.
Sa hudyat ni BOC-POC District Collector Alexandra Lumontad, agad na isinailalim sa x-ray scanning at physical examination ang naturang kargamento. Dito na tumambad ang apat na kilong drogang itinago pa sa pagitan ng mga kumot na pambata.
Sa utos na Lumontad, nagkasa ng isang controlled delivery operation sa Trece Martires City kung saan inaresto ang consignee sa aktong pagtanggap ng kontrabando.
Nakapiit na rin ang suspek na nahaharap din sa kasong paglabag ng RA 9165 at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
