PORT OF CEBU NAGPASIKLAB, KOLEKSYON SUMIPA SA P20B

MISTULANG pasiklab ang ipinamalas ng Port of Cebu makaraang magtala ng tuma­taginting na P20.19-bil­yong koleksyon para sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.

Sa kalatas ng BOC-Cebu, lumalabas na sobra pa ng P3.053 bilyon (katumbas ng 17.81% increase) ang kanilang nalikom kumpara sa target ng 2022 1st semester.

Para kay BOC-Cebu District Collector Charlito Martin Mendoza, hindi kagulat-gulat ang kanilang naitalang midyear collection dahil aniya sa higit pa sa nakatakdang target ng kanilang distrito ang kanilang ipinapasok na pondo mula sa buwis at taripa ng pumapasok at lumalabas na kargamento mula Enero hanggang buwan ng Hunyo 2022.
Kumpara sa unang anim na buwan ng 2021, lumabas ding mas mataas ng 31% ang kanilang koleksyon sa unang semester ng kasalukuyang taon.

Gayunpaman, hindi naman aniya magtatagumpay ang kanilang distrito kung hindi sa sikap, sigasig, husay at katapatan ng mga kawani sa kanyang distritong pinangangasiwaan.

Bukod sa mga kawani ng kanyang tanggapan, binigyang pagkilala rin ni Mendoza ang pakikiisa ng mga stakeholders na kagyat na tumugon sa panawagang malinis na kalakalan sa kanyang distrito.

Malaking bentahe rin aniya ang mga makabagong kaga­mitang binili ng pamunuan ng BOC para sa iba’t ibang district collection offices sa iba’t ibang panig ng bansa. Kabilang sa kanyang tinutukoy ang mga fast patrol boats na kanilang ginagamit sa “boarding formalities” at pagtugis ng mga piratang dagat na nasa likod ng smuggling activities sa kanilang nasasakupan.

Bukod sa mga fast patrol boats, malaking tulong din umano ang mga X-Ray scanners, Trace Detectors at iba pang makabagong kagamitang bahagi ng modernisasyon ng kawanihan. (BOY ANACTA)

85

Related posts

Leave a Comment