Sa Subic at Misamis Oriental AGRI-SMUGGLING NABULILYASO ULI

Ni JO CALIM

ANG inakalang jackpot na kita, nauwi sa wala. ‘Yan ang kinahantungan ng isang importer matapos masilat ng mga alistong kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang kabi-kabilang tangkang pagpupuslit ng mga agri-pro­duct mula sa bansang Tsina.

Sa kalatas ng kawanihan, pumalo sa P171-milyong halaga ng sibuyas ang nasabat ng Manila International Container Port (MICP), habang tinata­yang P20-milyong halaga ng sibuyas naman ang nahagip ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Mindanao Container Terminal.

Sa Maynila, 20 containers na pawang naglalaman ng mga sibuyas mula sa bansang Tsina ang sinamsam batay sa alert orders na inilabas ng pamunuan ng kawanihan matapos sumailalim sa mahigpit na pagsusuri ng mga dokumento kumpara sa aktwal na laman ng mga kargamento.

Base sa dokumentong kalakip ng kargamento, lumalabas na isang kumpanya lang ang nagmamay-ari ng mga nakumpiskang agri-products – ang Victory JM Enterprise OPC.

Hagip din sa Misamis Oriental ang sandamakmak na produktong agrikulturang tinangka naman palusutin ng Aster Zenmed Inc. Bukod sa sibuyas, bulilyaso rin ang santambak na botcha (iladong karne) na galing din sa bansang Tsina – carrots, udon noodles, frozen prawn balls, frozen lobster at crabsticks.

Kasalukuyang inihahanda ang patong-patong na kaso – kabilang ang paglabag sa mga umiiral na reglamento ng Department of Agriculture, Department of Health, Food and Drugs Administration at Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang mga nabanggit na importers.

30

Related posts

Leave a Comment