September collection sumipa P79.5B PARA LANG SA ISANG BUWAN!

boc pera

ALINSUNOD sa pangako ni Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, pumalo sa P79.5 bilyon ang kabuuang pondong nalikom ng Bureau of Customs para sa buwan ng Setyembre.

Sa datos ng Department of Finance (DOF) – kagawarang may direktang mandatong pangasiwaan ang BOC – lumabis pa ng P17.6 bilyon (katumbas ng 28% increase) ang kabuuang pondong nalikom ng kawanihang inatasang mangolekta ng P61.9 bilyon para sa nakalipas na buwan.

Lumalabas din malayo ang P79.5 bilyong nakolekta ng BOC noong nakalipas na Setyembre kumpara sa P57.6 bilyong pumasok sa ahensya sa parehong buwan ng nakaraang taon.
Para sa unang siyam na buwan ng kasalukuyang taon, umabot na rin sa P638.7 bilyon ang pumasok na kita ng BOC – mas malaki ng 18% kumpara sa pinag-isang target mula buwan ng Enero hanggang Setyembre.

Ayon sa DOF, inaasahan higit pa sa P721.5 bilyon 2022 target collection ang maisasampang pondo ng BOC sa pagtatapos ng kasalukuyang taon. Kumpyansa naman ang pamunuan ng BOC sa higit pa sa nakatakdang 2022 target collection ang kanilang maitatala lalo pa’t may tatlong buwan pa ang nalalabi para sa kanilang puspusang paglilikom.

Sa pahayag ng ahensya, binigyang importansya ng pamunuan ng kawanihan ang mahigpit na implementasyon ng mga panuntunan kaugnay ng pagbabantay ng mga pantalan at paliparan kung saan karaniwang idinadaan ang mga kalakal. Ito rin aniya ang nagbigay-daan para matiyak na walang naliligwak na koleksyon ang pamahalaan mula sa buwis at taripang kalakip ng mga kargamento.

“It’s the stringent implementation of border control measures which enables the bureau to plug revenue leakages and strengthen facilitation and revenue collection performance,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng nasabing ahensya. (BOY ANACTA)

14

Related posts

Leave a Comment