Hindi maikakailang kinakapos tayo ng supply ng manok sa mga pamilihang bayan. Dangan naman kasi, asa lang tayo sa supply na inaangkat pa mula sa mga karatig bansa sa Asya.
Ang masaklap, hindi lang manok ang kapos sa merkado, pati itlog limitado na rin sa mga pamilihang bayan.
Sa pagtataya ng mga negosyante, posibleng pumalo sa P15 kada piraso ang presyo ng itlog sa merkado, kaya naman ang mga ilaw ng tahanang nangangasiwa sa limitadong budget ng pamilya, nangangamba at tuliro kung paano pa pagkakasyahin ang karampot na kinikita ng kanilang padre de pamilya.
Ang totoo, mayroon naman tayong livestock poultry farms na dapat sana’y pangunahing nagsu-supply ng manok
at itlog para sa pangangailangan ng pamilyang Pilipino. Pero dahil sa hindi makasabay kontra sa mga mababang presyo ng mga imported na manok, marami sa kanila, pinili na lang magpahinga kesa nga naman malugi lang sila.
Para sa mga ordinaryong pamilyang Pilipino, pinakamainam na alternatibong ulam sa kanilang hapag kainan ang manok na ‘di hamak na mas mura kumpara sa karne ng baboy, baka at maging sa presyo ng isda.
Kung nais naman lalo pang makatipid, itlog lang na iginisa kasama ang sibuyas at kamatis, solb na para makaraos ang isang tanghalian o hapunan.
Pero dahil sa pagsirit ng presyo ng manok at itlog bunsod ng kapos na supply sa merkado, hindi malayong pati ang mga ito’y hindi na nila magawang ihain bilang
alternatibo.
Ang masaklap, malaking bahagi ng mga imported na manok na bumabaha sa merkado, smuggled pa batay sa sarili kong pagtatala gamit ang mga datos ng Department of Agriculture (na siyang nag-iisyu ng importation permits) at Bureau of Customs (na nangangasiwa naman sa pumapasok at lumalabas na kargamento).
Sa pagbaha ng imported at smuggled na agri-products sa merkado, talagang hindi maiiwasan mamatay ang sektor ng agrikultura – partikular ang industriya ng paghahayupan.
Dagdag pasakit pa ang kawalan ng suporta ng gobyerno sa sektor ng agrikulturang hindi halos makagulapay sa patuloy na pagtaas ng halaga ng abono, patubig at
animal feeds na kinakaryo ng mga livestock growers.
Hindi rin mawawaglit ang pagsambulat ng talaan ng mga diumano’y sangkot sa kalakaran ng agri-smuggling at mga protektor sa hanay ng pamahalaan.
Pero teka, parang hindi naman yata tamang idawit sa talaan si Customs Rey Leonardo Guerrero na agresibong nagsulong ng reporma sa kawanihang dati lamang kilala sa larangan ng katiwalian.
Sa kanyang pamumuno tumaas ang koleksyon ng BOC. Sa kanyang mahigpit na palakad nabulilyaso ang maraming kontrabando, kasabay ng asuntong inihain
laban sa mga tiwaling opisyal at empleyado ng kawanihang kanyang pinamunuan.
Kung ako ang tatanungin, hindi syento-por-syentong mawawala ang korapsyon sa BOC maski sino pa ang ipalit kay Guerrero.
Speaking of kapalit – sino kaya ang itatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sensitibong pwesto?
Isa lang ang sigurado, dapat may bayag din ang bagong commissioner. Hindi uubra sa BOC ang paog-paog!
oOo
Para sa sumbong mag-email sa operarioj45@gmail.com o magtext sa cel# 0966-429-4612
116