(JOEL O. AMONGO)
INIREREKLAMO ng isang grupo ng concerned citizens ang pagmamantine umano ng ilegal na sugalan ng isang barangay kagawad sa Quezon City.
Dahil dito, plano ng naturang grupo na magsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman laban kay Kagawad Barry Bacsa ng Brgy. E. Rodriguez Sr., Cubao, sa nasabing lungsod.
Sa panayam ng SAKSI Ngayon, inakusahan ng grupo si Bacsa na ginagamit bilang prente ng sugalan ang pagmamay-aring Barwen Resto Bar na matatagpuan sa Saint Mary’s St. ng nabanggit na barangay.
Binanggit din ng source na talamak ang mga ilegal na pasugalan sa Brgy. E. Rodriguez Sr. tulad ng bookies ng lotteng, ending at iba pa.
Libu-libo umano ang tayaan sa online sabong kung kaya’t maraming nalulubog sa utang na mga residente ng nasabing barangay.
Bukod dito, inakusahan din ng source si Kagawad Bacsa na dating nasa likod ng sugal na color game sa lugar.
Handa umano ang grupo na papanagutin ang Number 1 kagawad ng Brgy. E. Rodriguez Sr. kaya inihahanda na nila ang pagsasampa ng reklamo rito sa Ombudsman.
Hihilingin din nila na isailalim sa lifestyle check si Kagawad Bacsa.
Anila, hindi kapani-paniwala ang yaman na tinatamasa ngayon ni Kagawad Bacsa dahil lamang sa kanyang pagiging fruit dealer at pag-aaring resto bar.
Agad namang hiningi ng SAKSI Ngayon ang panig ni Kagawad Bacsa sa pamamagitan ng telepono.
Itinanggi nito ang paratang na may online sabong ang kanyang resto bar at maging ang pagkakasangkot niya sa iba pang ilegal na gawain.
Ang totoo aniya ay dati siyang may OTB business na nagsara dulot ng COVID-19.
Binanggit din niya na dating may online sabong ang Manila Cockers Club sa kanilang lugar ngunit pinatigil ito ng Quezon City government dahil sa kawalan ng business permit. Itinanggi rin niya na kilala niya ang may-ari ng Manila Cockers Club.
305 