INIHAYAG ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na kung isinagawa nang mas maaga ang pagpapatigil sa pagpapalabas ng pondo sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ng Philippine
Health Insurance Corporation (PhilHealth), hindi na sana naibulsa ang P15 bilyong nawala na para bula sa pondo ng ahensiya.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na pansamantala lamang ang suspensiyon ng “tumatagas” na hospital reimbursement system sa PhilHealth, pero critical measure ito sa laban sa corruption at
mas mahalaga ang pagkilos para magkaroon ng mas mahusay na tugon sa corona virus 2019 (COVID-19).
“It’s a step that should have been done earlier. Kung binubulsa ang COVID funds sa IRM system, bakit itutuloy ang sistema?” ayon sa senador na tumutukoy sa IRM na natuklasang ginagatasan ng
matataas na opisyal ng kompanya.
“Kapag tumutulo ang balde dahil may butas, isasarado muna natin ang gripo at tatapalan ang butas para maayos ang pag-imbak ng tubig, ‘ika nga,” ayon kay Pangilinan.
Isa si Pangilinan sa mga nanawagan sa suspensiyon ng IRM sa gitna ng nakalululang alegasyon ng pagnanakaw laban sa ilang matataas na opisyal at butas sa reimbursement system na naubos ang pondo at napunta sa ilang peke at paboritong ospital o health care institutions (HCIs).
Dahil dito, nananawagan din si Pangilinan ng pagtatayo ng independent body na kinabibilangan ng Commission on Audit (COA), kinatawan ng Department of Health (DoH) at maaasahang PhilHealth executives upang suriin ang libro ng ahensiya kung saan napunta ang bawat sentimo at magsagawa ng kaukulang panukala kung paano matitigil ang pagnanakaw ng pondo.
“Let us use this time to purge the PhilHealth records of unauthorized recipients and other anomalous transactions and preserve whatever peso is left in the agency’s coffers,” aniya.
“It is also vital to protect the money coming in from members’ contributions because this will help sustain the agency’s fund life. And all this must be done quickly as the COVID cases continue to
rise,” dagdag pa ni Pangilinan.
Iginiit pa ng senador na dapat bigyan ng prayoridad ang lahat ng COVID-related subsidies tulad ng testing at panggagamot sa pasyente.
Naunang inimbestigahan ng Senate Committee of the Whole ang testimonya ng ilang matataas na opisyal ng PhilHealth dahil ginagatasan ang ahensiya simula pa noong 2013 na umabot umano sa
P15 bilyon ang nawala. (ESTONG REYES)
