CALAMBA City, Laguna — Muling naghain ng kandidatura sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) para ikatlo at huling termino si incumbent Governor Ramil Hernandez.
Kasabay namang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) ng gobernador ang katambal nitong si Vice Governor Karen Agapay at kabiyak nitong si Laguna 2nd district Rep. Ruth Hernandez.
Sasagupain naman ng tambalang Hernandez at Agapay ang ang dating TV news reporter na si Rep. Sol Aragones bilang gobernador at Jerico Ejercito para naman bise gobernador.
Kabilang din sa mga naghain ng kandidatura ang transgender na social media sensation na makailang ulit nagviral sa kabi-kabilang outreach missions sa mga pamilyang lubos na naapektuhan sa pagputok ng Bulkang Taal taong 2020 at nito lamang Abril ng kasalukuyang taon.
Konseho ang target ng bagitong si Nancy Dimaranan, na higit na kilala sa social media bilang pandemic hero ng Laguna. Pag-amin ni Dimaranan, isa siyang transgender subalit hindi naman aniya hadlang ito para lumawak pa ang naaabot ng kanyang tulong at serbisyo.
Matandang Chipeco, retiro na
Samantala, tuluyan nang nagretiro sa pulitika si Laguna 2nd district Rep. Joaquin Chipeco Jr, na kilala bilang isa sa pinakamatagal nanungkulan sa lungsod ng Calamba.
Sa pagreretiro ng 79-anyos na kongresista, nakatakda namang humalili sa kanyang pwesto si Calamba City Mayor Timmy Chipeco na una nang naghain ng kandidatura para congressman sa distritong lilisanin ng kanyang ama.
Tatakbo naman bilang mayor ang number one councilor ng Calamba na si Joey Chipeco.
Sa datos mula sa Kamara, lumalabas na makailang ulit na naging kongresista ang matandang Chipeco – 1987-1992, 1995-2004 at mula 2013 hanggang sa kanyang pagreretiro. Nahalal din siyang alkalde ng lungsod mula 2004 hanggang 2013. (CYRILL QUILO)
