Isa sa 3 suspek timbog sa PNP-PRO5 5 PATAY SA MASAKER

LIMANG kasapi ng isang pamilya ang walang-awang pinatay ng hinihinalang mga akyat-bahay noong Sabado ng gabi sa Barangay Tinapian, bayan ng Baleno, lalawigan ng Masbate.

Agad namang nadakip nitong Linggo ng umaga ng mga tauhan ni PNP-Police Regional Office 5 Regional Director Jonnel C. Estomo, ang isa sa mga suspek habang target ng malawakang manhunt operation ang dalawa pang suspek.

Tigmak ng dugo nang matagpuan ang mag-asawang sina Jesus Adigue y Dino, 70, at Adela Cortes y Adigue, 67-anyos. Nadatnan ding wala nang buhay ang biyudang si Jennifer Adigue y Cortes, 40, at pati na ang dalawang dalagitang may edad na 17-anyos at 14-anyos. Sugatan naman ang isang 13-anyos na batang babae na kaanak ng mga namatay.

Ayon kay PNP-PRO5 Public Information Office chief, P/Major Malou Calubaquib, bandang alas-11:00 noong Sabado, sinalakay ng mga suspek ang bahay ng mga biktima sa Brgy. Tinapian para pagnakawan.

Ngunit bandang alas-8:15 nitong Linggo ng umaga, Agosto 29, 2021, nang makarating ang impormasyon sa himpilan ng Baleno MPS hinggil sa nasabing insidente.

Agad namang natukoy ang isa sa mga suspek na itinago sa pangalang Dave na malapit sa pamilya ng mga biktima at residente rin ng nasabing lugar kaya agad itong natunton sa follow-up operation. Habang ang dalawa pa nitong kasabwat ay patuloy pa ring pinaghahanap ng pulisya.

Pagnanakaw ang tinitingnang motibo sa insidente. Mahimbing umanong natutulog ang pamilya nang pumasok ang tatlong suspek at kinuha ang mga kagamitan sa bahay. Nagising ang mga biktima kaya’t pinagsasaksak ang mga ito ng mga suspek. (JESSE KABEL)

136

Related posts

Leave a Comment