TULUYAN nang naglaho ang pag-asa ng Pilipinas na muling dalhin ni chess wizard Wesley So ang bandila ng bansa sa mga kompetisyong internasyonal mula ngayon.
Noong Huwebes lamang ng nakaraang linggo, Pebrero 26, ang ngayon ay 27-anyos na Super Grand Master at tubong Bacoor, Cavite ay opisyal nang ginawaran ng pagka-mamamayang Amerikano ng US Chess Federation matapos ang halos siyam na taong paghihintay nito.
Ibig sabihin ay hindi na madadala kailanman ng tatlong beses na pambansang kampeon ng Pilipinas ang ating bandila sa world chess tournaments.
Sa isang puno ng emosyong panayam matapos niyang matanggap ang U.S. citizenship, ipinahayag ni So ang kanyang saloobin kung bakit niya hinangad na maging Amerikano.
“I want to give back to a country that has been so good to me. From the moment I landed here I was encouraged and enabled to become better than I was,” aniya sa panayam ng US Citizenship and Immigration Services sa panunumpa niya.
Mahigit isang linggo pa lamang ang nakararaan pagkatapos niyang talunin ang nagtatanggol na pandaigdig na kampeong si Norwegian Magnus Carlsen, 13.5-2.5 para maiuwi ang First World Fischer Random Chess Championship.
Marami ang tumawag, nagpadala ng mensaheng nagtatanong bakit ang dating prodigy ay naglalaro dala ang Amerika at hindi ang Pilipinas?
Isa lamang si So sa listahan ng mga bayani ng bansa sa sports na pagkaraang mabigyan ang Pilipinas at ang mga Pilipino ng karangalan ay naging biktima ng pagkalimot, pagpapabaya kawalan ng paggalang at suporta ng pamahalaan at ng liderato sa palakasan sa bansa, kabilang ang kanyang sariling pederasyon.
Ang pagpapalit ni Cavite Boy ng namamahala sa kanyang sports –mula sa Philippine Chess Federation (PCF) hanggang sa bago niyang kinikilalang US Chess Federation– ay nanatiling balot ng misteryo sa marami mula noong siya’y lumipad patungong Estados Unidos, hanggang sa ngayon.
Sinikap ng SAKSI NGAYON na linawin ang sitwasyon mula nang handugan niya ang bansa ng kauna-unahan nitong gintong medalya sa 2012 Summer Universiade na ginanap sa Kazan, Russia, ngunit napagkaitan ng insentibong pinansyal matapos niyang talunin si Zaven Andriasian para sa kampeonato.
Kabilang sa mga pinansyal na bonus ang P1 million premyo na ginarantiyahan ng Athletes and Coaches Incentives Law na kinatha ng noon ay senador pang si Robert “Living Legend” Jaworski.
Kung bakit nangyari ito ay walang makapagpaliwanag maliban sa ayon sa nasagap ng koluminstang ito, na ang mga matataas na pari kapuwa ng PCF at Philippine Sports Commission ay nangagturuan ng daliri sa kung sino ang dapat sisihin sa kaguluhan.
Para sa kolumnistang ito, pareho ang dalawang ahensyang ito ang dapat buntunan ng sisi. Ang PSC lalo na madalas magkaroon ng bulilyaso sa kahit na pinakasimpleng pagbibigay ng parangal sa mga atleta.
Sa pagkakait ng P1-milyong bonanza kay So, idinahilan ng pamunuan ng PSC noon na ang Universiade, ang pandaigdigang palaro para sa mga estudyanteng atleta, ay hindi kabilang sa mga international event na dapat suportahan ng ahensiya, ayon sa ipinagu-utos ng RA No. 9644.
Hindi rin kinikilala ng Philippine Olympic Committee ang biyahe ng pambansang delegasyon sa Universiade sa dahilang ito ay ipinadala ng grupong kasama sa nakalaban ng POC sa gulo sa liderato ng noon ay Basketball Association of the Philipines (BAP).
Dahil sa political power play, naiwan si So na hawak ang ‘bag na walang laman.’
“Ang mahirap dito sa ating bansa,” hinagpis ni So sa panayam ng kolumnistang ito ilang taon na ang nakalilipas, “ang walang koneksyon dito sa atin ay itinuturing na basura na puwedeng yapak-yapakan (to be poor and unconnected in the Philippines are considered trash for rich people to step on).”
“Because of a quarrel between the kings of the sports bodies, not only did the country refuse to acknowledge my efforts, they refused to give me the P1 million promised to athletes who bring home a gold medal,” aniya.
Ang nangyari kay Wesley mula noong umalis siya sa Pilipinas, ay isa na namang halimbawa ng uri ng suportang ibinibigay ng mga ahensiyang dapat ay unang-unang tumutulong sa kanila.
Noong panahong ininterbyu namin siya, si Wesley ay may rekord na walang talo sa 67 laro mula noong Hulyo 2016 hanggang Abril 2017, kung kailan umakyat siya sa ranggong pangalawa sa daigdig
Si So ay nakalahok na sa limang Chess Olympiad, mula nang magsimula siya sa edad na 12 bilang kinatawan ng Pilipinas sa Turin noong 2006. Kinatawan naman niya ang Estados Unidos sa Olimpiyada mula noong 2016.
