TINUKOY ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na sabwatan ng mga ospital, Information Technology at Legal Department ng Philippine Health
Insurance Corporation o PhilHealth ang pinagmumulan ng bilyun-bilyon pisong korapsyon pondo nito.
Sa Facebook video post ni Belgica, sinabi nitong matagal nang nangyayari ang nakawan ng pondo sa ahensya.
Aniya, taun-taon na lang na iniimbestigahan ang PhilHealth sa isyu ng korapsyon pero wala pa ring pagbabago.
Ito aniya ay dahil sa pagsasabwatan ng ilang departamento at ospital. Inihalimbawa ni Belgica na kung magpapadala ng billing ang isang ospital sa IT department ng PhilHealth sa pamamagitan ng Electronic Claims o E-Claims para sa ordinaryong sipon, sisingilin ito para sa sakit na pneumonia na may mataas na halaga.
Dahil wala namang validating mechanism o walang audit na ginagawa ay naloloko o nagpapaloko ang PhilHealth.
Dito umano pumapasok ang transaksyon sa pagitan ng IT department ng PhilHealth at mga ospital para paghatian ang sobrang kabayaran sa hospital billings.
Nakita rin ni Belgica na posibleng kasabwat sa anomalya ang Legal department ng ahensya dahil wala umano siyang nakitang kinasuhan na may kinalaman sa korapsyon sa nasabing tanggapan.
“Wala pong tanga sa gobyerno, mayroon lang po nagtatanga-tangahan,” dagdag pa ni Belgica.
Binanggit din niya na ang root cause ng nakawan sa PhilHealth ay dahil sa kawalan umano ng electronically audit na magba-validate sa claims ng mga ospital.
HUWAG TANTANAN
Samantala, hiniling ng isang mambabatas sa Kamara na huwag tantanan ang mafia sa PhilHealth hangga’t hindi naparurusahan ang mga nagpakasasa sa pondo ng mamamayang Filipino.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat, hindi dapat hayaan ng publiko na mamatay na lamang ang isyung ito nang walang maparurusahan dahil ang ginawa umano ng mga nagnakaw sa pondo ng PhilHealth ay isang uri ng ‘pagtataksil sa bayan”.
“Dapat mainit at hindi mamamatay na balita (ang PhilHealth corruption) hangga’t hindi mapaparusahan ang gumawa nito (pagnanakaw),” pahayag ng katutubong mambabatas.
“Nagbabayad ang iba’t ibang sektor ng lipunan para magkaroon ng pondo para sa kalusugan.
Kinaltasan pa ang suweldo ng taumbayan para ibayad sa PhilHealth tapos nanakawin lang,” ani Cullamat.
Base sa mga naunang report, umaabot sa P15 bilyon ang tinatayang ninakaw ng mafia sa PhilHealth subalit sa pagdinig ng House committee on public account ni Rep. Mike Defensor, P153.7
bilyon ang nawalang pondo mula nang ipatupad ang all case rate mula 2013 hanggang 2018.
“Treason ang ganitong laki ng lantarang pandarambong sa pondo na galing sa bulsa ng mamamayan,” ayon pa kay Cullamat kaya kailangang maparusahan umano ang mga magnanakaw
na ito dahil kung hindi ay tuluyang mauubos ang pondo ng mamamayan para sa kanilang kalusugan.
Sa panig naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, sinabi nito na ang katiwalian sa PhilHealth na paulit-ulit na lamang ay isa nang epidemya na kailangan ng agarang solusyon.
“Ang corruption sa PhilHealth is already an epidemic of corruption,” ani Gaite kaya hinamon nito si Pangulong Rodrigo Duterte na pagulungin na ang ulo ng mga corrupt official sa nasabing
institusyon.
Ayon sa mambabatas, noong 2019 humingi ang PhilHealth ng P153 bilyong pondo para ngayong taong (2020) subalit P71 bilyon lamang ang inaprubahan ng Kongreso.
“Mabuti na lang hindi ibinigay ang P153 Billion kundi napariwara na yun at napunta lang sa bulsa ng mga corrupt official,” ayon pa kay Zarate. (JOEL O. AMONGO/BERNARD TAGUINOD)
