JEEP SUMIRKO SA KURBADA 3 PATAY, 17 SUGATAN

RIZAL – Tatlo ang patay habang 17 ang sugatan nang tumagilid ang isang pampasaherong jeep sa kurbadang bahagi ng kalsada sa bulubunduking bahagi ng Barangay Daraitan, sa bayan ng Tanay sa lalawigang ito, noong Linggo ng umaga.

Ayon sa report ng Tanay Police, bandang alas-5:00 ng umaga, tinatahak ng jeep na may 27 pasahero, kabilang ang pitong bata, ang matarik na bahagi ng Makaira-Daraitan road sakop ng Sityo Alas-Asin ngunit pagsapit sa kurbadang bahagi ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si Noe Butor.

Bunsod nito, bumaligtad ang jeep bago ito tumama sa poste ng kuryente na nasa gilid ng highway.

Agad namatay sa insidente ang mga pasaherong sina Manuel Peralta at ang 4 na buwang sanggol na si Maximo Legazpi. Binawian din ng buhay ang isang alyas Butor.

Umabot naman sa 17 pasahero ang isinugod sa Tanay General Hospital ng rescue team ng Tanay MDRRMO, Tanay PNP at mga tauhan ng AFP 80th IB.

Kritikal sa insidente ang driver ng jeep na si Noe Butor. Sugatan din ang  nanay ng namatay na sanggol, na si Caleen Camingawan Prestado at ang live-in partner nito at ang kanilang 4 pang anak. Inilipat na ang mga ito sa Ospital ng Makati (OSMAK).

Napag-alaman na galing sa West Rembo, Makati ang magkaka-anak na mga biktima at patungo sa family outing sa Daraitan falls nang mangyari ang insidente.

Ayon sa mga awtoridad, mahinang preno at mechanical error ng sasakyan na sinabayan pa ng driver error ang sinasabing dahilan ng aksidente. (NILOU DEL CARMEN)

139

Related posts

Leave a Comment