PINAHINTULUTAN ng Pilipinas na makaalis ng bansa ang US citizens na ang passport ay nag-expire noong Enero 1, 2020.
Sinabi ni Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente, inatasan niya ang lahat ng BI personnel na pahintulutan ang pag-alis ng mga pasaherong ang passport ay nag-expire na mula Enero 1, 2020 at mag-e-expire sa Disyembre 31, 2021.
Ayon kay Morente, ang paggamit ng expired passports ay pahihintulutan lamang hanggang Disyembre 31, 2021.
“But this rule applies only to departing passengers. Those who are planning to remain here or convert their visas still need to present a valid passport,” aniya.
Inatasan din niya ang ang Tourist Visa Section and Alien Registration Division ng BI na iproseso ang lahat ng applications “for updating of stay and emigration clearance certificates (ECC)” ng holders ng expired US passports makaraang makapagprisenta ng confirmed ticket patungo sa Estados Unidos.
Ginawa ng BI ang desisyong ito makaraang impormahan ng US Embassy ang bureau hinggil sa kalagayan ng US citizens na stranded sa Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic, at mga hindi makaalis ng Pilipinas dahil nag-expire na ang kanilang passport.
Gayundin, sinabi ng US Embassy na ang US State Department kamakailan ay nagpahayag na pahihintulutan nilang makabalik sa kanilang bansa ang mga Amerikano gamit ang expired passports, “in limited circumstances,” hanggang sa pagtatapos ng taon. (JOEL O. AMONGO)
215 