LUMABAS ang totoong gustong mangyari ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa bakunang ipangtuturok sa milyun-milyong Pilipino at ito ay wala siyang “pakialam” kung saang bansa galing ang gagamitin ng local government units (LGUs) sapagkat Sinovac vaccine ang ipantuturok ng pambansang pamahalaan sa mamamayan.
Nabuko si Duterte nang siya mismo ang nagpahayag nitong Miyerkoles ng gabi na ang bakunang Coronavac ang gagamitin ng kanyang administrasyon.
“Kung ayaw ninyo, OK lang, walang problema. You can choose any vaccine you like to buy. Wala kaming pakialam kung ano ang pipiliin nyo. Hindi kami makialam,” pahayag ni Duterte.
“We are not forcing anybody to join the cause of the national government,” diin ng pangulo.
Sa Pebrero darating sa bansa ang milyun-milyong doses ng Sinovac vaccine.
Kukuha rin ang administrasyon sa ibang kumpanya ng bakuna na posibleng makarating sa bansa bago matapos ang 2021.
Ang Coronavac na gawa ng Sinovac Biotech ng China ay ilang ulit nang nabalita hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang bansa na 50 porsiyento lamang ang efficacy rate kumpara sa
mahigit 90 porsiyentong bakuna na gawa ng Estados Unidos at Britanya.
Kahit sa Brazil ay 50 porsiyento rin ang lumabas na bisa ng Coronavac sa isinagawang clinical trial ng Butantan Institute.
Kahit 50 porsiyento lang ang bisa ng Coronavac, iginiit ng direktor ng Butantan na si Dimas Covas na pasado at mabisa ang nasabing bakunang gawa sa China na paglaban sa COVID-19.
Sa mga nakalipas na linggo ay nagsimula nang umorder ang maraming LGUs ng bakuna ng AstraZeneca na gawa ng Britanya dahil tila duda sila sa 50 porsiyentong bisa ng bakuna ng Sinovac.
AstraZeneca rin ang binili ilang malalaking pribadong kumpanya para sa kanilang mga manggagawa.
Bukod sa Coronavac, umorder ang pambansang pamahalaan ng 20 milyong doses ng bakunang AstraZeneca, sabi ni Secretary Carlito Galvez Jr., punong implementor ng aksiyon ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Nagkaroon na ng kasunduan kahapon, Enero 14, ang administrasyong Duterte at ang AstraZeneca para sa 20 milyong doses, pahayag ni Galvez.
Hanggang kahapon, umabot na sa 9,699 ang mga Pilipinong namatay sa COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Kasama ito sa 492,700 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 24,478 na lang ang aktibo hanggang kahapon, Enero 14, batay sa datos ng DOH.
Nanindigan naman si Duterte na inaako niya ang “full responsibility” sa paglulunsad ng mass vaccination ng pambansang pamahalaan sa mamamayang Pilipino gamit ang bakunang Coronavac ng China dahil kumbinsido ang pangulo na mabisa at epektibo ito tulad ng mga bakunang gawa sa Estados Unidos at Britanya. (NELSON S. BADILLA)
196
