TINIYAK ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tuloy ang mga kasong kriminal laban kay Senadora Leila de Lima hinggil sa droga kahit na namatay na ang testigong si Jaybee Sebastian sa
loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Si De Lima ay ikinulong sa custodial center ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Rafael Crame noong Pebrero 2017 makaraang maglabas ng arrest warrant ang isang judge sa Muntinlupa
Regional Trial Court (Muntinlupa RTC).
Sabi ni Guevarra sa media, hindi lang si Sebastian ang testigo ng Department of Justice (DOJ) laban kay De Lima, kundi marami pang iba na inaasahang magdidiin sa senadora sa kasong drug
trafficking.
Idiniin pa ni Guevarra na mayroong plantsadong “estratehiyang legal” ang DOJ na magpapanalo sa mga kaso ng administrasyong Duterte laban sa mambabatas.
Si De Lima ang kauna-unahang senador na kinasuhan at nakulong dahil sa bintang na pagbebenta ng ilegal na droga habang kalihim siya ng DOJ.
Si Sebastian ay itinuturing na “pangunahing testigo” sa kaso.
Napapabalita noon na si Sebastian ay isa sa mga itinuturing na drug lords na nagnenegosyo ng ilegal na droga kahit nakapiit sa NBP.
Si Sebastian, 40-anyos ay namatay kamakailan dahil umano sa coronavirus disease-2019 (COVID-19) kaya agad din sinunog ang kanyang bangkay.
Nang mamatay si Sebastian, naglabas ng press statement si De Lima na nagsasabing ipinag-utos niya sa kanyang mga abogado ang kanilang susunod na gagawin sa korte.
Ngunit, idiniin ni De Lima na buhay man o patay si Sebastian ay walang silbi ang mga salaysay nito laban sa kanya dahil pawang mga kasinungalin at inimbento ang mga ito.
Ilan sa mga salaysay ni Sebastian ay nagsiwalat na perang galing sa ilegal na droga ang ipinampondo sa kampanya sa bilang senador ni De Lima noong eleksyong 2016.
Ilang buwan bago maghalalan, regular na nagsasagawa ng operasyon ang DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) sa NBP, partikular sa kulungan ng mga sikat na bilanggong sangkot sa ilegal na droga, sa pangunguna ni De Lima bilang kalihim ng DOJ.
Ayon sa naibalita sa media noon, si Sebastian ang isa sa mga nakatransaksiyon o nakausap ni De Lima ukol sa drug trafficking sa NBP. (NELSON S. BADILLA)
465
