KAMARA UMATRAS SA HEARING

ITINIKLOP ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso ang kanilang public hearing na isasagawa sana ngayong araw upang pagtibayin ang supplemental budget na kailangan ng national government sa paglaban sa COVID-19.

Sa advisory na inilabas sa Kamara nitong Martes, inabisuhin ang lahat na hindi matutuloy ang pagdinig ng Defeat COVID-19 Committee matapos palawakin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Luzon ang community quarantine.

Ang nasabing komite ay binubuo ng House committees on health, economic affairs, tourism, trade and industry, banks and financial intermediaries, labor and employment, public information, appropriations, ways and means, local government, metro manila development at senior citizens.

Nakalinya sa agenda ng nasabing komite ang pagtibayin ang mga proposed budget na kailangan para tulungan ang lahat ng sektor ng lipunan na apektado sa COVID-19.

Kasama na rito ang P169.9 Billion na economic package na tinawag na Filipino Families First Act, na magbibigay ayuda sa mga negosyante, turismo at mga manggagawa na tinamaan ng COVID-19.

Base sa nasabing panukala, P50 Billion dito ay ipauutang sa lahat ng mga apektadong kumpanya nang walang interes, P45 Billion sa tourism industry at P25 Billion bilang unemployment assistant at iba pa.
Gayunman, dahil mas pinalawak pa ang sakop ng community quarantine o lockdown kung saan hindi na pinayagan ang lahat ng transport system na bumiyahe, inurong na ang nasabing pagdinig. BERNARD TAGUINOD

194

Related posts

Leave a Comment