PINAG-IISIPAN ni Manila Mayor Francisco”Isko Moreno” Domagoso kung magpatupad ng city-wide lockdown para mabigyan ng proteksiyon mula sa COVID-19 ang mamamayan sa lungsod ng Maynila.
Ginawa ng alkalde ang pahayag kasunod ng pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod at sa buong bansa.
Kasabay nito, nagbabala ang alkalde sa pribadong quarantine facilities na tiyakin na ang kanilang ginagawa ay katulad ng pangangalaga ng mga quarantine facility na pinatatakbo ng gobyerno at kapag napatunayan na may sablay ay papanagutin ang mga ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Moreno na matagumpay naman ang ipinatupad na lockdown sa tatlong barangay.
Inatasan din ng alkalde si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, sa pakikipagpulong kina National Capital Region Office chief, Major Gen. Vicente Danao, Jr. at Manila Police District Director, P/BGen. Leo Francisco, na padalhan siya ng detalye sa implementasyon ng lockdown sa Barangay 351 sa San Lazaro, Tayuman, na nakapagtala ng 12 COVID cases; Barangay 725 sa Malate na may 14 cases; at bahagi ng Barangay 699 sa M. Adriatico St. partikular na sa Bayview Mansion Building at Hop Inn Hotel sa Malate, na may 17 kaso ng COVID-19.
Nabatid na magtatapos ang lockdown dakong alas-11:59 ng hatinggabi ng Marso 14.
Sa panig naman ni Major Gen. Danao, magpapadala ito ng 500 pulis mula sa National Capital Region Police sa Camp Bagong Diwa para tumulong sa MPD personnel.
Sinabi naman ni General Francisco na magtatalaga siya ng 100 pulis sa kada apektadong barangay at magdu-duty ng shifting para mabantayan ang mga residente na naka-lockdown.
