Kapag ipinilit ang cashless payment sa tollways – solon BUDGET NG TRB IPABI-VETO KAY PDU30

MULING iginiit ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na huwag ipilit ang pagpapatupad ng cashless payment sa mga expressway na nagdudulot ng aberya partikular na sa North Luzon Expressway (NLEX).

Sa lingguhang Ugnayan sa Batasan, sinabi ni House Committee on Transportation chairman, Rep. Edgar Mary Sarmiento. kailangang iatras muna ng Department of Transportation (DOTr), partikular na ang Toll Regulatory Board (TRB), ang cashless payment dahil kung hindi ay ipapa-veto umano nila kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang budget sa susunod na taon.

Ayon kay Sarmiento, nagpasa na sila ng resolusyon na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng cashless payment sa mga expressway dahil “hindi umano kaya ng sistema ngunit ipinilit ng DOTr at TRB.

“Hindi kami pinakikinggan. (Pero) mayroon pa kaming alas sa ratification ng budget. Sana makinig naman sila sa amin. I-push back kasi kawawa naman ang mga tao. Hindi pa po handa ang sistema, huwag nating pilitin,” ani Sarmiento.

Ipinaliwanag ng mambabatas, pilit na pilit ang pagpapatupad ng cashless payment sa mga tollways lalo na sa NLEX dahil noong Agosto lamang umano nag-upgrade ang mga ito ng kanilang RFID system.

Bukod dito, hindi pa aniya nakakabitan ng RFID ang lahat ng mga sasakyang dumaraaan sa mga expressway na umaabot sa 6.1 milyon, na nakakadagdag ng problema.

Sinisi rin ni Sarmiento ang TRB dahil hindi ito nakipag-ugnayan sa ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Information Communication Technology (DICT) hinggil sa mga equipment ng mga toll operator.

Bukod dito, mistulang hindi umano ginagawa ng TRB ang kanilang trabaho na manduhan ang toll operators kaya nagkakagulo aniya sa mga expressway partikular na sa NLEX.

PWEDENG I-TAKEOVER

Samantala, mistulang nagbabala si Sarmiento sa toll operators na ayusin ang kanilang mga sistema dahil maaaring i-takeover ng gobyerno ang mga ito kapag hindi naayos ang trapiko sa ino-operate nilang mga expressway.

Ayon sa mambabatas, nasa concession agreement ng toll operators na maaaring kunin sa kanila ng gobyerno ang pamamahala sa expressway kapag hindi naayos ng mga ito ang problema.

“It is in the concession agreement that the government can take over,” ani Sarmiento. (BERNARD TAGUINOD)

101

Related posts

Leave a Comment