Kapag pumalpak ang Maharlika – solon ‘ULO’ NG ECO ADVISERS NI BBM PAGULUNGIN

IPALIT ang ulo ng mga economic adviser ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kapag pumalpak ang Maharlika Investment Fund (MIF) upang magkaroon ng hustisya ang taumbayan lalo na’t pera nila ang isusugal ng mga ito.

Ito ang bahagi ng kontra-State of the Nation Address (SONA) ni Albay Rep. Edcel Lagman na hindi pinayagang ideliber noong Martes sa sesyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Since the MIF is now a fait accompli with the solid support of the presidential economic advisers, we hope it would succeed. However, once the Maharlika Investment Fund fails, the heads of these economic advisers must roll,” ani Lagman.

Kailangan aniya itong gawin dahil hindi lamang sa mga financial institution kukunin ang P500 billion kundi sa national budget partikular na sa 2024 general appropriations act (GAA) para pondohan ang mga proyekto at investment na papasukin ng Maharlika Investment Council (MIC).

Napailing naman si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil “barya” ang tingin ni Marcos sa P500 billion na kanyang isusugal gayung naghihirap ang mga tao at hindi alam kung papaano pagkakasyahin ang kanilang budget dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Hindi maliit ang P500 billion na kapital ng MIF na isusugal ng gobyerno sa gitna ng palalang krisis. Ito ay bilyong pondo na dapat sana’y ginamit para sa direktang serbisyo sa mamamayan,” ani Brosas.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa kanyang SONA noong Lunes, sinabi ni Marcos na “small fraction” lamang ang nasabing halaga na gagamitin umano sa Build, Better, More projects.

“Wala ring katotohanan na hindi ito mababahiran ng pulitika, gayong kontrolado ng isang Marcos kung sino-sino ang mangangasiwa ng pondong ito,” dagdag pa ni Brosas.

Base sa orihinal na MIF bill, ang Pangulo ng bansa o kaya ang Finance Secretary ang mangangasiwa sa MIF subalit tinanggihan ni Marcos ang ideyang ito at sa halip ay ipinasa sa mga financial at investment experts ang pamumuno sa MIC.

Ayon kay Brosas, si Marcos ang mag-a-appoint sa mga miyembro ng MIC kaya dito pa lamang ay may bahid pulitika na. (BERNARD TAGUINOD)

194

Related posts

Leave a Comment