Kapalit ng 2 taong serbisyo TUITION SA NURSING COURSES SAGOT NG GOBYERNO

UPANG masolusyunan ang kakulangan sa mga nurse, ipinanukala ng isang mambabatas sa Kamara na magtayo ng “nursing scholarship” ng mga kuwalipikadong estudyante kapalit ng dalawang taong serbisyo sa kanilang probinsya o bayan.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 6631 o “Nursing Scholarship and Return Service Program Act” na inakda ni Anakalusugan Party-list Rep. Ray Florence Reyes, sinabi nito na kailangang mamuhunan na ang bansa sa kursong ito upang mapigilan ang shortage.

“Yearly, we lose hundreds of nurses who seek greener pastures elsewhere. This mass exodus of health workers greatly affects our health system causing it to collapse. No one was addressing this, and so we crafted this measure,” ani Reyes.

Nais ng mambabatas na bukod sa tuition fees, sasagutin din ng gobyerno ang lahat ng kanilang kailangan sa pag-aaral at financial assistant sa kanilang internship kasama na ang medical insurance.

Hindi lamang ang mga estudyante na nag-aaral sa pampublikong paaralan ang puwedeng maging scholar kundi maging ang mga nasa pribadong paaralan na kwalipikado sa nasabing programa.

Gayunpaman, kapag nakatapos na ang mga ito at may lisensya na ay kailangang magsilbi sila sa mga government hospital sa kanilang bayan o probinsya sa loob ng dalawang taon bago mag-abroad o kaya magtrabaho ang mga ito sa pribadong pagamutan.

Walang umanong dapat ipag-aala ang mga scholar dahil habang nagsisilbi ang mga ito sa government hospital, bilang kabayaran sa pagpapaaral sa kanila sa gobyerno ay may tatanggap ang mga ito na allowances.

Bukod dito, magiging prayoridad ang mga ito kapag nagkaroon ng hiring sa mga government hospital at sa pamamagitan umano nito ay maiibsan ang shortage sa mga nurse na aabot sa Pilipinas sa 249,843 pagdating ng taong 2030 base sa World’s Nursing report ng United Nation (UN). (BERNARD TAGUINOD)

310

Related posts

Leave a Comment