TODO-TODONG binanatan ni Senadora Leila de Lima ang tingin niyang mga kapalpakan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa suliranin ng overseas Filipino workers (OFWs) makaraang magkaroon ng lockdown sa maraming bahagi ng mundo, kabilang na sa Pilipinas dulot ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).
“Pinapaapura na ni Duterte ang pagpapauwi [sa] mahigit 24,000 OFWs sa kani-kanilang [mga] bahay. Ito ay matapos ang halos dalawang buwang pagkatengga nila sa mga quarantine facility sa Metro Manila. Ito ay matapos maglabasan ang sanlaksang reklamo ukol sa napakatagal na paglabas ng resulta ng kanilang COVID-19 tests. Ito ay matapos ang maraming puna sa hindi maayos na kondisyon ng mga pasilidad na pinaglagyan sa kanila,” kastigo ni De Lima.
“Napanis na ang laway ng ating stranded OFWs bago nagsalita at kumilos sa isyu si Duterte. Haay… ano nga bang bago?,” patuloy na paghagupit ng mambabatas sa pangulo.
Ito’y makaraang biglang nagdesisyon si Duterte hinggil sa sobrang tagal na pagkakakwarantina ng 24,000 OFWs sa iba’t ibang hotel.
Nang magpasya ang pangulo, biglang nagdesisyon na rin si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na pabalikin na sila sa kani-kanilang lalawigan.
Ang ibang pamahalaang lokal ay hindi agad sila tinanggap, sapagkat sumailalim uli sila sa 14-araw na kuwarantina upang makasigurong hindi sila nagkaroon ng COVID-19 o anomang sintomas nito.
“Nawalan na nga ang napakaraming OFWs ng trabaho dahilan sa pandemyang ito, mawawalan pa sila ngayon ng ipon para sa kanilang pamilya at sarili. Kalunos-lunos!,” patuloy ng senadora.
Ayon sa DOLE, 250,000 OFWs lamang ang nabigyan ng tig-P10,000 bilang ayuda sa pagkawala nila ng trabaho dahil ito lang ang kayang bigyan ng DOLE, banggit ni Bello.
Walang desisyon ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na bawasan ang P20 bilyong Trust Fund nito upang maayudahan din ang mga OFW na nawalan ng trabaho ngayong panahon na hindi pumasa sa kuwalipikasyon ng programang “Abot Kamay ang Pagtulong” (AKAP) ng DOLE.
Ang Trust Fund ay mula sa perang pinaghirapan ng mga OFW.
Si Hans Leo Cacdac ang hepe ng OWWA simula noong Oktubre 2016.
Si Cacdac ay administrador ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) noong termino ni Pangulong Beningno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III.
Ipinaliwanag ni De Lima na “Delays such as these are utterly unacceptable! OFWs should be treated as no less than heroes who have sacrificed so much for their families and done so much for our economy.”
“Mr. Duterte: you had weeks to act on this, but you opted to issue the ultimatum only now. Paghuhugas-kamay ba ito?
Pagpasa na naman ng sisi? O senyales lang talaga ng nakagawiang mabagal na pagresponde? The same goes to the agencies tasked with the OFW repatriation program. Kinakailangan ninyo pa bang antayin ang utos ng amo niyo para ayusin ang trabaho? Wala ba kayong kusa o sadyang walang pakialam?,” susog ni De Lima. NELSON S. BADILLA
