CAVITE – Dahil sa dati nang away, pinagtataga ng jungle bolo ng magkapatid ang kanilang kapitbahay sa bayan ng Carmona sa lalawigang ito, noong Biyernes ng hapon.
Pinaghahanap ng pulisya ang magkapatid na sina Rolly Cristobal, 40, at Randy Cristobal, nasa hustong edad, kapwa residente ng Brgy. Lantic, Carmona, Cavite, dahil sa pagpatay kay Junifer Datanagan, (lalaki), 36, kapitbahay ng dalawa.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Joel Mendoza ng Carmona Police Station, dakong alas-10:00 ng umaga noong Biyernes, pinuntahan ni Rolly na armado ng jungle bolo, ang biktima sa kanilang bahay sa Brgy. Lantic, Carmona, Cavite upang komprontahin.
Sumunod naman ang kapatid nito na si Randy na may hawak ding jungle bolo at hinintay ang biktima sa paglabas ng kanilang bahay.
Paglabas ng biktima ay nagkaroon ng manitang pagtatalo ang tatlo hanggang sa pagtulungang pagtatagain ng magkapatid si Junifer.
Pinaniniwalaang nanlaban din ang biktima dahil may narekober na tatlong jungle bolo sa pinangyarihan ng insidente.
Nabatid na may matagal nang alitan ang biktima at ang mga suspek.
Namatay ang biktima sa pinangyarihan ng insidente dahil sa mga taga sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan habang tumakas ang magkapatid. (SIGFRED ADSUARA)
184 