MINALAS na masawi ang apat katao kabilang ang pitong taong gulang na lalaki habang walo ang sugatan sa karambola ng SUV, tricycle at kolong-kolong sa Gonzaga, Cagayan, Sabado ng gabi.
Sa imbestigasyon ng Gonzaga Police, magkasunod na tumatakbo ang tricycle at ang Fortuner patungo sa direksyon ng town proper nang makasalubong ng mga ito ang kolong-kolong dakong alas-9:30 ng gabi.
Subalit pagsapit sa kinukumpuning tulay sa Barangay Ipil, Gonzaga ay huminto ang tricycle para pagbigyang makadaan ang kolong-kolong.
Dito na sumalpok ang SUV sa likuran ng sinusundang tricycle at saka bumangga rin sa kolong-kolong.
Sa lakas ng impact, wasak ang kolong-kolong na agad ikinasawi ng driver nito na si Donato Barsatan at pasaherong si Velvet Geron.
Samantala, naisugod pa sa ospital ang misis ni Barsatan maging ang pitong taong gulang nilang anak na lalaki, pero binawian din sila ng buhay habang ginagamot.
Sugatan naman ang lima pang sakay ng kolong-kolong.
Napag-alamang galing ang siyam na biktima sa panonood ng Christmas lighting ceremony sa munisipyo at pauwi na nang mangyari ang aksidente.
Nagtamo rin ng mga sugat matapos tumilapon ang driver at dalawang sakay ng tricycle na bumaligtad naman matapos masagi ng SUV.
Nasa kustodiya na ng Gonzaga Police ang driver ng SUV na sumuko noong Sabado rin ng gabi.
Ayon sa driver ng SUV, hindi niya alam na may kinukumpuning tulay kaya medyo mabilis ang kanyang takbo. Inihahanda na ang reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, and damage to properties laban sa driver ng SUV. (NILOU DEL CARMEN)
