SIMULA nang makapasok po tayo sa propesyong ito ng pamamahayag, kapansin-pansin na bukod tanging ang Mamang Pulis na si General Guillermo Eleazar ang naitalaga sa pwestong tanggap na tanggap ng marami.
Dati, noong hindi siya ang nailuklok sa trono ng Philippine National Police at sa halip ay ang kaklase niyang si General Debold Sinas, marami ang totoong nanghinayang.
Bagama’t mas nakatataas na noon sa designasyon si Eleazar kumpara kay Sinas pero mas pinili pa rin ang huli ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging hepe ng PNP.
Marami ang tumaas ang kilay dahil bilang hepe noon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) si Sinas at hepe naman ng Directorate for Operations si Eleazar na ikatlong pinakamataas na posisyon sa PNP, si Sinas pa rin ang itinalaga sa pwesto kahit pa kabi-kabila ang batikos ng publiko.
Hindi malilimutan ng taumbayan ang mañanita na ginawa ni Sinas habang nasa kasagsagan ng lockdown dahil sa COVID-19.
Sabagay, diskresyon ng Pangulo kung sino ang kanyang itatalaga sa pwesto pero matagal-tagal din ang pinaghintay ni Eleazar bago makuha ang pagiging Chief PNP na dapat sana ay noon pa niya nakuha.
Pero kahit naungusan noon si Eleazar sa pagiging hepe ng PNP, ipinakita pa rin niya ang propesyonalismo. Hindi siya nagpa-apekto at nagtrabaho lang ng nagtrabaho.
Kaya sa totoo lang, marami talaga ang bilib kay General Eleazar dahil sa dedikasyon sa pagtupad ng tungkulin sa bayan.
KaPUNA-puna na maraming kababayan natin ang bumabati kay General Eleazar sa mga social media sites na isang katunayan na tama ang pagkakatalaga sa kanya ni Pangulong Duterte bilang bagong hepe ng PNP.
Umuusok ang mga pagbati sa kanya mula sa mga ordinaryong mamamayan hanggang sa professionals at mga estudyante. Ang ayaw lang sa kanya siyempre ay ang mga tiwaling tao.
Mabagsik si Gen. Eleazar sa mga miyembro ng PNP na nasasangkot sa katiwalian pero mabait siya sa mga mabuting tao.
Siya na kaya ang magpapabalik sa tiwala ng mamamayan sa pulisya?
Maraming pagkakataon na kasing nasasangkot sa iba’t ibang kalokohan ang mga miyembro ng pulisya lalo na nitong mga nakaraan.
Tulad halimbawa ng pagpatay sa mga miyembro ng intel group ng militar sa Mindanao, pamamaril ng pulis sa maglolang kapitbahay niya sa Paniqui, Tarlac at itong kontrobersiya ng barilan sa pagitan ng QCPD at PDEA sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Maraming naniniwala kay Gen. Eleazar na maibabalik niya ang dating magandang imahe ng pulisya.
Sa kapanahunan ng tatay ko, naging chief of police rin siya, iginagalang ang kanilang hanay ng taumbayan, bagama’t cal. 38 lang ang kanilang armas.
Iba kasi ang may kredibilidad na namumuno sa Pambansang Pulisya nariyan ang respeto at pag-aalinlangan na may magloloko sa kanilang mga tauhan.
Wala namang perpektong tao dahil lahat tayo makasalanan ‘wag lang yung sobra na nakikita ng ating subordinate.
Pinakamahalaga ang respeto sa kapwa. Kailangan maipatupad ng tama ang batas, hindi ningas kugon lang.
Sa Mayo 8, 2021 ang mandatory retirement ni Gen. Sinas na nagsimulang naitalaga bilang PNP chief noong Nobyembre 2020.
Si Gen. Eleazar ang kanyang mandatory retirement ay sa Nobyembre 2021.
Kaya pamumunuan niya ang 220,000 strong member ng PNP sa buong bansa sa loob ng anim na buwan.
Lahat ng men in uniform ay mandatory retirement nila sa kanilang trabaho sa edad na 56-anyos.
Sina Sinas at Eleazar ay pawang produkto ng Philippine Military Academy (PMA) “Hinirang” Class of 1987.
Congrats General, Sir! God Bless Po.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.
147
