KASAMBAHAY SINAKSAK NG GRASS CUTTER

AKLAN – Kritikal ang kalagayan sa ospital ng isang kasambahay makaraang pagsasaksakin ng grass cutter ng lalaking tinanggihan niyang pahiramin ng pala o shovel nitong Sabado ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Helen Flores, 52-anyos, tubong Malay, Aklan, habang nadakip naman ang suspek na si Michael dela Cruz, 27-anyos, construction worker at nakatira sa Brgy. Old Buswang sa bayan ng Kalibo.

Batay sa report ng Kalibo Police Station, alas-11:00 ng umaga nitong Sabado nang mangyari ang insidente sa bahay ng isang Nemesia delos Reyes, may-ari ng bahay na pinapasukan ni Flores. Ayon sa imbestigasyon, humihiram ng pala ang suspek sa mga Delos Reyes ngunit tumanggi ang biktima.

Pagkaraan, nang makita ng suspek ang biktima na nagbubunot ng mga damo ay nilapitan niya ito at pinagsasaksak ng grass cutter.

Agad namang dinala sa ospital ang biktima habang nahuli ang suspek ng nagrespondeng mga pulis. Nauna rito, pinagsasaksak ng suspek ang mga alagang kambing at manok ng kanilang mga

kapitbahay at winasak ang pananim na mga gulay.

Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang suspek na nakulong na sa lock-up cell ng Kalibo-PNP. (ANNIE PINEDA)

159

Related posts

Leave a Comment