KAKAUNTI na lamang ang naitatalang kaso ng COVID-19 simula nitong Disyembre 3 sa halos lahat ng bayan sa lalawigan ng Pampanga.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Pampanga Provincial Health Officer Dr. Zenon Ponce, na sa nasabing petsa, isang tao lamang ang
nahawa ng virus sa San Fernando City, habang zero o wala naman silang naitalang kaso noong Disyembre 5, sa buong Pampanga.
Pagsapit ng Disyembre 6, nagkaroon aniya ng isang kaso sa Guagua at isa rin noong Disyembre 7, sa bayan ng San Luis.
Samantalang noong Disyembre 8 ay dalawa lamang ang kanilang naiulat na kaso na mula sa mga bayan ng Arayat at Mexico.
Ilan aniya sa mga nagpositibo ay nakararanas lamang ng mild symptoms at mga nagtatrabaho sa ibang lugar, partikular na sa Maynila.
70% HERD IMMUNITY TARGETTiwala rin si Ponce na bago matapos ang 2021 ay makakamit na nila ang herd immunity sa kanilang lalawigan.
Sa kasalukuyan, nasa 64% na ng mga taga-Pampanga ang bakunado at umaasa sila na pagpasok ng unang araw ng Enero 2022, ay nasa mahigit 70% na ng buong populasyon ng probinsya ang nabakunahan kontra COVID-19.
“By next year, tiyak na papalo na sa 100% ang mga fully vaccinated sa lalawigan,” ayon pa kay Ponce.
Aniya, bahay-bahay na ang kanilang isinasagawang pagbabakuna at mayroon din silang team na sumusuyod sa lahat ng lugar sa Pampanga upang malaman kung sino ang mga unvaccinated na maaari nang mabigyan ng unang dose ng bakuna. (CHRISTIAN DALE)
223
