KASO NG SEC LABAN SA PAMILYA VILLAR, UMARANGKADA NA SA DOJ

UMARANGKADA na sa Department of Justice (DOJ) ang pagdinig sa mga reklamong isinampa ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa pamilya Villar at iba pang respondents.

Sa inilabas na subpoena ng DOJ, kabilang sa mga ipinatawag sina dating Senador Manny Villar, dating Senadora Cynthia Villar, at magkapatid na Senador Mark Villar at Las Piñas Rep. Camille Villar, kasama ang iba pang sangkot sa kaso.

Gayunman, walang miyembro ng pamilya Villar ang personal na dumalo sa unang araw ng preliminary investigation na pinangunahan ni Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong kundi mga abogado lamang nila.

Muling pinanumpaan ng mga abogado ng SEC ang kanilang complaint affidavit kaugnay sa mga kasong market manipulation, insider trading at hindi tamang disclosure ng kita na umano’y nagdulot ng pagtaas sa halaga ng shares ng kumpanya ng pamilya Villar.

Samantala, humiling ang kampo ng mga respondent ng kopya ng complaint affidavits na inihain ng SEC.

Kasama sa panel of prosecutors na pinamumunuan ni Ong sina Prosecution Attorneys Angelique Pearl Miranda, Janave Salamanca-Gozon at Christine Mae N. Villablanca.

(JULIET PACOT)

100

Related posts

Leave a Comment