RECYCLED o inulit lamang ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang mga kasong inihain laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at kay Senador Christopher Bong Go kaugnay sa P7 bilyong kontrata na nakuha ng mga kumpanyang may kaugnayan sa mambabatas.
Sinabi ni Go na noon pang 2018 ay nagsampa ng kahalintulad na kaso si Trillanes laban sa kanya na binuhay noong 2021 at inulit noong 2024.
“Noong unang tumakbo ako bilang senador. Nag-ingay na siya noon. Siniraan na niya ako. Siya pang senador, nun. Ako hindi pa kandidato pala. Same issue. Nung 2021 akala naman niya na tatakbo ako, same issue. July of 2021. Last year, nung ako po’y patakbo muli for re-election, July 6 of 2024. Same issue,” pahayag ni Go.
Kasabay nito, binuweltahan ng hamon ni Go si Trillanes na kasuhan ang kanyang mga financiers kung totoong seryoso sa pagresolba sa katiwalian sa gobyerno.
“To Trillanes, you are barking up the wrong tree,” pahayag ni Go bilang reaksyon sa inihaing kaso ng dating mambabatas laban sa kanya at kay former President Rodrigo Duterte sa Ombudsman.
“Kung seryoso ka talaga, bakit di mo kasuhan yung mga totoong mga corrupt talaga? Bakit di mo kasuhan yung mga financiers mo?” dagdag ni Go.
Muling iginiit ni Go na hindi niya ginamit ang kanyang impluwensya upang maiaward ang proyekto sa kanyang mga kaanak.
“Ayaw ko po magnegosyo sila sa city hall dahil I observe delicadeza at ayaw ko po ng conflict of interest,” giit ni Go.
“I am one with the Filipinos in this crusade and fight against corruption. Kasama nyo po ako rito. Labanan po natin ito. Ikulong po natin ang mga kurakot at mga magnanakaw,” dagdag ng senador.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na lahat ng mga alegasyon laban sa kanya ay bahagi ng pagsisikap na idivert ang atensyon ng publiko mula sa mga nasa likod ng multibillion-peso flood control scandal.
“Talamak ang korapsyon ngayon sa kasalukuyang gobyerno… Ano ba ang totoong issue ngayon? Di ba ang flood control scandal? Mga ghost projects? Mga anomalous projects? Yun naman po ang issue ngayon. Huwag tayong lumihis sa katotohanan,” paliwanag niya.
Sa huli, nanawagan si Go sa Ombudsman, sa Department of Public Works and Highways at sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na manatiling nakapokus sa isyung iniimbestigahan.
“I am urging the ICI, the Ombudsman and the DPWH to seek the truth. Tumbukin lang po yung katotohanan… Seek the truth, not the script, if there’s any,” diin ni Go.
“Maniwala kayo sa hindi, kapag nagkamali kayo, mas gugulo po ang bayan. Magulo na po ngayon, mas gugulo po ang bayan. Pag magagalit po ang tao niyan, magulo talaga ito,” babala pa niya.
