KATIWALIAN SA BI PINAGTATAKPAN NI REMULLA?

BISTADOR ni RUDY SIM

BAKIT kung sino ang akusado sa reklamo ng concerned employees ng Bureau of Immigration, na si Commissioner Joel Anthony Viado sa isyu ng akusasyon ng katiwalian sa ahensya, ay tila nabaliktad ang sitwasyon dahil ang isa sa matapang na nagsiwalat ng katiwalian ay siya pa ang pilit na gustong alisin sa puwesto.

Matatandaang naglabas si Department of Justice Secretary Boying Remulla ng isang department order number 435 noong June 19 upang ilipat ng puwesto ang chairman ng BI-Board of Special Inquiry na si Atty. Gilberto Repizo ngunit ito ay pinalagan ng opisyal dahil ayon sa kanyang liham kay Remulla ay umapela ito sa Civil Service Commission upang igiit ang kanyang karapatan na nakasaad sa CSC Omnibus rules on appointment and other human resource action, dahil aniya ang kanyang puwesto ay permanent item.

Sa kabila nito ay kumalat din ang usap-usapan na isang mataas na opisyal umano ng BI na si alias “Junjun Budoy”, ang nagpakawala ng pera para sa mga kapatid natin sa media upang ilabas ang kanilang praise release para palabasin na itong si Repizo ang maraming reklamo sa kanya kaya ito nais tanggalin sa kanyang posisyon. Hmm… ‘Yan ang mahirap sa aming trabaho sa media dahil marami ang natatapalan ng salapi at papatulan ang anomang balita kahit wala itong pagsasaliksik bilang investigative journalism.

Sa ating personal na kaalaman bilang matagal nang mamamahayag sa BI ng mahigit tatlong dekada, ay mayroong karapatan ang isang DOJ secretary na ilipat ang opisyal sa ahensyang kanyang nasasakupan ngunit ito ay dapat na makatarungan at walang kinikilingan. Una ang akusado na si Viado na inireklamo kay PBBM dahil sa matinding katiwalian ngayon sa BI, ay nauna nang ipinagtanggol ni Remulla na aniya ay walang sapat na ebidensya na magpapatunay tungkol dito.

Sir, gumising ka naman, hindi mo ba nakita ang kapalpakan ng bata mong si Viado mula pa sa kanyang pag-upo? Una ay bakit pinakawalan ni Viado agad ang 41 POGO workers na nahuli ng PAOCC noong October 31 sa Bagac, Bataan? Ang sadyang pagpapatakas ng mga tauhan ng warden facility sa isang fugitive na Korean national? Bakit ang sinibak lamang ay ang maliliit na mga empleyado at hindi tinanggal ang warden at mismong si Viado dahil sa command responsibility?

Ang talamak at patuloy na hulidap at pagnanakaw umano ng mga tauhan ni BI Intelligence chief Fortunato “Jun” Manahan sa mga nahuhuli nilang POGO workers kagaya na lamang ng mahigit 50 dayuhan na nakuha sa New Port sa Pasay City, na wala sa mga ito ang tinulugan at lahat ay pinakawalan. Ano ang kapalit? Bakit hindi pinaimbestigahan ni Viado sa DOJ itong si Manahan? Mayroon bang kumita muli ng malaking halaga? Hindi ba’t mahigpit ang utos ni PBBM na hulihin at i-deport ang POGO workers?

Ang tirador na mga ahente ng Intelligence Division na sina alias “Matel”, “Bato”, “CJ”, “Jude” at iba pa, bakit ayon sa ating narinig mula sa liaison officers, ay pinagbakasyon matapos ang kanilang pagpapasarap sa panghuhulidap?

Ang sindikato sa BI ay isang matagal nang negosyo sa ahensya dahil isa ang ahensya ng pamahalaan na ito sa gatasan ng mga tiwali na gustong magpayaman gamit ang kanilang kapangyarihan.

Sa susunod ay ating ibibisto naman itong isang beteranong abogadong opisyal na mukhang mongoloid na si alias “Minions” at kanyang jowa na ang raket naman ay gatasan ang mga dayuhan at liaison officers ng travel agencies na hinihingian ng P3K para sa mabilisang paglabas ng kanilang certificate… ABANGAN!!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

4

Related posts

Leave a Comment