KAUNTING TIIS PA PARA MAKA-SURVIVE

MULING magkakaroon ng lockdown sa Agosto 6-20, sa ilalim ng mahigpit na “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Metro Manila (MM).

Sa panahong ito, limitado ang papayagang makalabas sa kanilang mga tahanan.

Siyempre, kapag limitado ang paglabas ng mga tao mula sa kanilang mga tahanan ay hihina rin ang negosyo.

Kapag humina ang mga negosyo, marami sa mga negosyante ang ­mapipilitang magbawas ng kanilang manggagawa.

Kaakibat din ng lockdown ang pagbabawal na magbukas ang ilang mga negosyo na hindi esensiyal tulad ng mga salon, resto bar at maraming iba pa.

Kaya, maraming manggagawa na naman ang magiging tambay sa panahon ng ECQ.

Kaya, marami na namang aaray dahil hindi naman daw sapat ang ibinibigay na ayuda mula sa pamahalaan tulad sa mga nakaraan.

Pati mga negosyante ay umaaray na rin dahil hindi pa man sila nakababawi mula sa kanilang pagbubukas ay muli na naman silang magsasara mula Agosto 6 hanggang 20.

Sabi kasi ng OCTA Research, kapag hindi nag-lockdown mula Agosto 6-20 ay biglang tataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa Delta variant.

Sabi naman ng Department of Health (DOH), mas mabagsik daw itong Delta ­variant kaysa sa ibang variant.

Parang bulutong tubig daw ang bilis na makahawa ng Delta variant kung ikukumpara sa ibang variant ng COVID-19.

Kaya, ang mga negosyante ay humihirit na kahit lockdown ay payagan pa rin silang magbukas para kahit paano ay mayroong makain ang kanilang mga manggagawa.

Importante lang ay ipatupad pa rin ang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pananatili ng isang metrong physical distancing ng mga tao sa isa’t isa.

Wala naman tayong magagawa, kundi lahat tayo magsakripisyo para sa ating lahat.

Kasabay sa mas mahigpit na minimum health ­standards, buksan pa rin ang mga ­negosyo para hindi tuluyang malugi ang mga nagnenegosyo.

Halos dalawang taon nang nararanasan ang pahirap na ito na dulot ng COVID-19 pandemic.

Kailangan na lamang magtulungan po tayo kung paanong makaiiwas sa Delta variant ang mga naghahanapbuhay.

Wala tayong pamimilian, kundi maghanap-buhay nang may pag-iingat para lang maka-survive tayo mula sa nakamamatay na COVID – 19.

Habang tumatagal ang pananalasa ng COVID – 19 sa mundo ay patuloy namang naglalabasan ang iba’t ibang variant nito.

Wala po tayong magagawa, kundi bilisan ang pagbakuna nang magkaroon ng herd immunity ang mga tao para may proteksyon sila laban sa mga naglalabasang variant.

Ang pinakamahalaga sa lahat ay samahan po natin ng pagdarasal na matapos ang pandemyang ito.

Kahit paano, sa pandemyang ito ay marami tayong natutunan sa buhay at nalaman natin ang ating mga pagkukulang na puwede nating baguhin ngayon.

Lord, nawa’y matapos na ang suliraning ito, amen.

oOo

PARA sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa: joel2amongo@yahoo.com o magtext sa cel# 0919-259-59-07.

155

Related posts

Leave a Comment