(NI DANG SAMSON-GARCIA)
SA PAGLALATAG ng 2020 budget ng Department of National Defense sa Senado, inungkat ni Senador Francis Tolentino ang kawalan ng pondo para sa pagpapatayo ng mga karagdagang naval stations sa ilang bahagi ng bansa.
Sa gitna ito ng sponsorship ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate Committee on National Defense, sa P258 bilyon pondo ng DND sa susunod na taon.
Kinuwestiyon ni Tolentino ang pamunuan ng DND at AFP sa kawalan ng pondo para sa pagkakaroon ng naval chain station sa Pilipinas gayung tumitindi ang tensyon sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Binigyanh-diin ng senador ang paulit-ulit na insidente na may mga pumapasok na Chinese vessels sa teritoryo ng Pilipinas ng walang paalam sa ating gobyerno.
“Several months ago 2 naval ships passed by our waters–unannounced. Kung hihintayin pa natin yung 2020 budget call baka marami pang dumaan, marami pang mangyayaring ganyang insidente kung hindi mababantayan,” saad ni Tolentino.
Nangangamba ito na maulit ang mga kahalintulad na insidente dahil walang naval chain sa bansa.
Una nang inihain ni Tolentino ang Senate Bill 1143 o ang Philippine Archipelagic Defense Act, na layon mapaglaanan ng pondo ang pagkakaroon ng naval chain mula Batanes hanggang Tawi Tawi.
