PATAY ang isang lalaki makaraang rapiduhin ng bala sa harap ng kanyang kapatid na babae ng dalawa sa anim na hindi kilalang mga suspek na lulan ng tatlong motorsiklo, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Agad nagkikisay sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Reynante Simo, nasa hustong gulang, residente ng Zapote St., Brgy. Bagong Barrio.
Ayon sa pulisya, alas-4:20 ng madaling araw, nag-uusap ang biktima at kanyang kapatid na babae sa kanto ng Malvar St., at Zapote St., Bagong Barrio nang biglang sumulpot ang mga suspek at pinagbabaril si Simo.
Agad nalagutan ng hininga sa insidente ang biktima habang mabilis na tumakas ang mga suspek.
Natagpuan ng Scene of the Crime Operatives sa crime scene ang 14 basyo ng bala mula sa .45 kalibreng baril, tatlong basyo ng bala mula sa 9mm at pitong nakuping punglo.
Blangko pa ang pulisya kung sino ang mga suspek at kung ano ang motibo sa pamamaslang. (ALAIN AJERO)
214 