ISANG miyembro ng itinuturing na notoryus na kidnap for ransom group, ang nadakip ng mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo sa isinagawang law enforcement operation noong Sabado ng hapon sa Alabang, Muntinlupa City.
Ayon sa ulat na isinumite ni PNP-AKG Intelligence Research and Analysis (IRAD) chief, P/Col Edward Cutiyog kay Gen. Estomo, bandang alas-1:30 ng ng hapon nang madakip sa operasyon ang suspek na si Arnold Gastador Vargas sa #314 San Juanico St., Ayala Alabang, Multinlupa City.
Ayon kay PNP-AKG Public Information Office chief, P/Major Ronaldo Lumactod, matagal nang pinaghahanap ang suspek matapos makatakas ito sa kasagsagan ng shootout na ikinamatay ng isang kasamahan nito sa KFRG.
Walang piyansang inerekomenda para sa suspek si Hon. Tomas Ken D. Romaquin, presiding judge ng RTC Branch 25, 4th Judicial Region, Biñan City, Laguna, sa kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention sa ilalim ng Art. 267 ng Revised Penal Code.
Nabatid na isinasangkot ang suspek sa pagdukot at pagpapatubos kay Anial Kumar Sohal, isang Indian national, na kinidnap ng grupo sa St. Francisco Subd., Brgy. San Antonio, Biñan City, Laguna, noong Agosto 13, 2017.
Pinalaya ang biktima matapos magbayad ang pamilya ng halagang P935,000 noong Agosto 16, 2017 sa Brgy. Sto. Niño, malapit sa NAIA Terminal1 sa Pasay City.
Sa isinagawang follow up-operation ng PNP-AKG, lumalabas na may tatlong suspek na kinilala ang biktima.
Unang humingi ng P20 million ang grupo ni Vargas at naibaba ito ng hanggang sa P2,000,000.
Noong Agosto 16, 2017, pumayag ang mga kidnapper sa alok ng pamilya na halagang P935,000.
At nagkasundo na dalhin ng pamilya ang ransom sa Southwood Exit, SLEX kung saan napalaban ang mga operatiba ng PNP-AKG sa mga suspek at isa ang kanila ang napatay habang nakatakas si Vargas.
Ngunit hindi pala nilubayan ng mga awtoridad ang pagtugaygay sa grupo nina Vargas hanggang sa mahagip ito ng radar ng PNP-AKG intelligence. (JESSE KABEL)
396 