KINONDENA ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang pamamaril at pagpatay sa beteranong journalist na si Jesus “Jess” Malabanan malapit sa kanyang bahay sa Calbayog City sa Samar dakong alas-6:00 ng gabi noong Disyembre 8, 2021.
Ang brutal na pagpatay sa biktima ay isinisi ng CEGP sa gobyerno partikular kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kultura ng kawalan ng pananagutan sa mga gumagawa nito.
Sinabi pa ng CEGP, kailangan mapanagot ang salarin, at ang rehimeng Duterte na may pananagutan sa pagpatay sa biktima dahil sa lumalalang kultura ng kawalan ng kalutasan sa mga nangyayaring krimen.
Sa konteksto ng kasalukuyang Anti-Terror Act of 2020 at pasistang pamamaraan tulad ng NTF-ELCAC, ang nagbibigay anila ng mantsa sa ‘journalists’ pen and ink’.
Anila, may isa na namang mamamahayag ang pinatay nang walang awa ng mga elemento ng estado at mapanganib na rehimeng Duterte na nagpapalabas ng kasinungalin at kahalayan.
Dagdag ng CEGP, sa isang Pangulo na ginagawang lehitimo at nagbibigay katwiran sa pagpatay sa mga journalist, laganap at hindi masugpo ang red tagging sa mga miyembro ng press na parang normal na nangyayari.
Kasabay nito, hiniling grupo na mabigyan ng hustisya ang lahat ng mga biktima ng state-sponsored killings.
May panata ang grupo na ipaglaban nang sama-sama ang press freedom, kasama ng pangunahing sektor ng lipunan at idepensa ang pangunahing karapatan tulad ng freedom of the press.
Idinagdag pa ng CEGP, ang pagkamatay ng isa na namang tinaguriang “watchdog of society” ay hindi walang kabuluhan.
Anila, sa bawat ‘pen and ink’, patuloy na papanig ang masa, sa bawat kamaong itinataas at sa bawat awit ng paglaban, ang buhay ni Malabanan ay hindi masasayang.
Samantala, mariin ding kinondena ng Malacañang ang malagim na pagpatay sa veteran reporter na si Malabanan.
Sinabi ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, tinitingnan nang mabuti ng Presidential Task Force on Media Security ang insidente at sinisiyasat ang lahat ng anggulo kabilang na kung ang nangyaring pagpatay ay may kinalaman sa kanyang trabaho.
Hinikayat naman ni Nograles ang lahat na may nalalamang impormasyon sa insidente na lumapit lamang sa mga awtoridad at makipagtulungan sa mga tagapagpatupad ng batas upang kaagad na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Malabanan.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilya, mahal sa buhay at mga kasama sa hanapbuhay ni Malabanan.
Tiniyak ni Nograles na gagawin lahat ng pamahalaan ang makakaya nito para mahuli ang mga responsable sa krimen at mapatawan ng parusa.
Nauna rito, kinondena rin ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pagpatay sa veteran reporter na si Malabanan, correspondent ng Manila Standard.
“Jess is a personal friend of mine. This cowardly killing in the midst of a pandemic is truly unforgivable. We will get to the bottom of this and will stop at nothing in bringing to justice the perpetrators of this despicable crime,” ayon kay Executive Director Undersecretary Joel Sy Egco ng PTFoMS.
Base sa opisyal na report na isinumite ni P/Lt. Nieto Rarugal ng Calbayog City Police Station, sa PTFoMS, si Malabanan ay binaril sa ulo habang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanyang tindahan sa Barangay San Joaquin, Tinambacan District.
Sinasabing itinumba si Malabanan ng motorcycle riding-in-tandem gunmen noong Disyembre 8 dakong alas-6:30 ng gabi.
Kaagad na isinugod sa malapit na ospital si Malabanan subalit idineklarang dead on arrival. Si Malabanan ay 58 taong gulang. (JOEL O. AMONGO/CHRISTIAN DALE)
