MAGKAKASUNOD na nag-anunsyo ng suspensyon ng klase ang ilang lungsod ng kalakhang Maynila bunsod na rin ng pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus disease.
Sinuspinde ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan mula kahapon hanggang bukas, Miyerkoles.
Sinabi ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan na ang pagkansela ng klase ay isinagawa para sa dalawang araw na mandatory general sanitation at disinfection ng mga paaralan bilang precautionary measures para masugpo ang pagkalat ng virus.
Ayon pa kay Malapitan, magkakaloob ang pamahalaang lungsod ng karagdagang resources sa mga pampublikong paaralan sa lungsod upang madagdagan ang kapasidad ng mga ito sa disinfection at sanitation sa kanilang nasasakupan at mga kalapit na lugar.
Nagsuspinde rin ng klase sa lahat ng antas ang lungsod ng Maynila.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang suspensyon ng klase ay nagsimula sa Marso 9 hanggang Marso 15, sa
lahat ng antas mula sa pampubliko at pribadong paaralan.
Hinihikayat ng alkalde ang pamunuan ng mga paaralan na gamitin ang pagkakataong ito upang maglinis at
magdisinfect ng kanilang mga pasilidad.
Paalala rin niya sa mga estudyante na huwag gamitin ang mga araw na ito para gumala. Limitahan ang social interactions at manatili muna sa kanilang mga tahanan.
Ayon pa sa alkalde, may 14 na person under monotoring sa kanilang mga barangay pero wala pang Person Under Investigation sa lungsod.
Sinabi pa ng alkalde na kamakailan ay inilunsad sa lungsod ang Manila Center for Infectious Disease Control na nasa Sta. Ana Hospital bilang paghahanda sa ganitong pagkakataon.
Nagkansela na rin ng klase ang lungsod ng Pasig. ALAIN AJERO , DAHLIA S. ANIN
