(NI BERNARD TAGUINOD)
IMBES na makakuha ng suporta, mistulang dumarami pa ang mga taong kontra sa pag-upo ni dating National Youth Commission (NYC) chair Ronald Cardema bilang kinatawan ng Duterte Youth party-list sa Kamara.
Sa isang statement, sumama na si dating NYC chair Ice Seguera at iba pang dating chair at Commissioner ng NYC sa pagkontra sa pag-upo ni Cardema bilang party-list congressman sa 18th Congress kaya hiniling ng mga ito sa Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang petisyon na maging substitute nominee ng Duterte Youth.
“Mali talaga. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanyang pag-circumvent o pag-ilag sa batas at patakaran upang isulong ang kanyang personal na ambisyon. Mas nakapanlulumo rin ang tahasang paggamit niya sa kanyang posisyon at sa ahensya upang mangampanya,” ani Seguera.
Kabilang din sa mg dating chairpersons ng NYC na kontra na maging kinatawan ng Duterte Youth ay sina Gregorio Ramon Tingson at Leon Flores III at mga dating Commissioners na sina Dingdong Dantes, Percival Cendana, JP Peñol, at Erwin Andaya.
Aktibong chair ng NYC si Cardema habang nasa gitna ng kampanya mula Pebrero 2019 subalit bago ang eleksyon noong Mayo 13, ay nagwithdraw ng tatlong nominee ng Duterte Youth at saka ipinasok ang kanyang pangalan bilang substitute nominee.
Una itong pinalagan ng Kabataan party-list na pinamumunuan ni Rep, Sarah Elago dahil huli nang maghain ng substitution si Cardema at nagamit ang kanyang posisyon sa kampanya.
Maliban dito, 33-anyos na si Cardema na isa ring paglabag umano sa batas na edad 25-anyos hanggang 30-anyos lamang ang dapat maging kinatawan ng mga sektor ng kabataan sa Kongreso.
“Mahalaga na ang kumakatawan sa kabataan ay totoong galing sa hanay nito. Ito ang buod ng inklusibong demokrasya – na nasusunod ang batas at may tunay na representasyon lalo na sa mga sector na higit na nangangailangan ng boses at kapangyarihan,” ayon naman kay Flores.
