HINIMOK ni Senator Joel Villanueva na magkaroon ng mas masinop na kooperasyon sa mga ahensya ng edukasyon para sa mas malakas at iisang pagresolba sa krisis ng edukasyon na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Ani Villanueva, kailangan ng isang malinaw na estratehiya kung paano tutugunan ng Department of Education, Technical Education and Skills Development Authority, at Commission on Higher Education ang mga problema dulot ng pandemya na nakaapekto pa sa pagbaba ng kalidad ng mga graduate sa lahat ng antas.
Kailangan magtulungan ng DepEd, TESDA, at CHED katulad ng “tatlong campus ng isang paaralan, at hindi tatlong magkakahiwalay na eskwelahan na independent sa isa’t isa.”
Hindi ninais ng mga policymaker ang pagtatatag ng mga naturang ahensya bilang “tatlong magkakahiwalay na republika.”
Ayon kay Villanueva, ang pagkakatatag ng tatlong ahensya para sa sektor ng edukasyon o “trifocalized setup” ay “nangangahulugan na kailangan nasa isang pahina ang sistema ng edukasyon sa bansa upang hindi magkawatak-watak ang polisiya na ipinatutupad nito.” (ESTONG REYES)
143 