MAKUKULONG na ng dalawang buwan, pagmumultahin pa ng hanggang isang milyong piso ang mga magpapakalat ng fake news sa social media sa gitna ng laban kontra sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Ito ang isa sa mga ipinasok na amendment sa Bayanihan To Heal As One Law na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay sa kanya ng karagdagang kapangyarihan sa paglaban sa COVID-19.
Sa Section 6 ng nasabing batas, maging ang mga indibidwal, grupo na nagpapakalat ng fake news sa COVID-19 sa pamamagitan ng social media at iba pa, na walang basehan at nakaapekto sa mga mamamayan, ay kasama sa parurusahan ng dalawang buwang pagkakakulong at multa na mula P10,000 hanggang P1 Million.
Magugunita na maraming fake news ang kumalat sa gitna ng kampanya ng gobyerno para makontrol ang pagdami ng mga mabibiktima ng COVID-19 na labis na ikinaalarma ng mamamayan.
Kasama rito ang kumalat na impormasyon sa social media na diumano ay magkakaroon ng nationwide lockdown na naging dahilan para lalong mag-panic ang mga tao.
Labis namang ikinabahala ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil posibleng gamitin umano ang batas na ito para patahimikin ang netizens na ilabas ang kanilang saloobin sa istilo ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19.
PASAWAY NA LGUs
SAPUL DIN
Kasama sa maparurusahan sa nasabing batas ang mga pasaway na Local Government Unit (LGUs) lalo na ang mga mayor at
barangay captain na ayaw sumunod sa national government o may sariling sistema sa paglaban sa COVID-19.
Base sa nasabing batas, ididiskuwalipika sa public office ang mga local official na ayaw sumunod sa mga alintuntunin ng national government sa paglaban sa nasabing virus.
“Under such emergency power, local government officials risk being booted out from their post for merely adjusting their COVID-19 response to the specific needs of their jurisdiction. Hindi na lang parinig kundi parusa at pagpapatalsik ang maaring abutin ng LGU officials. Lalong hihigpit ang hawak ng Pangulo sa leeg ng mga LGU,” ani Brosas. BERNARD TAGUINOD
