KAMAKAILAN ay may mga nakakwentuhan tayong ilang kapatid sa hanapbuhay na suyang-suya at galit sa ilang korap na opisyal ng pamahalaan na ginagawang sandata o panakot ang krimeng libelo upang takutin at busalan ang mga mamamahayag sa pagsisiwalat ng kabulukan at tiwali na gawain.
Opo at dapat na aminin, may ilang ‘journalist’ o nagkukunwaring mamamahayag ang abusado, iresponsable at sadyang dapat na kasuhan ng libelo.
Ito yung tinatawag na mga propagandista, na ginagamit ang kalayaan sa pamamahayag sa paninira ng reputasyon, dangal at pagkatao ng kanilang target na pasamain sa publiko — ang dahilan ay maaaring sila ay bayarang ‘character assassins’ o sa dahilang pulitikal.
Pero mas marami naman na media practitioners ay matapat sa tungkulin bilang bahagi ng ‘4th Estate’ o pundasyon ng mamamayan laban sa katiwalian, malupit at mapanupil na pamamahala ng mga buktot sa pamahalaan at ng organisadong mga kriminal.
Sa layuning mapigil ang mga tiwali sa panulat at pamamahayag, nagiging biktima ng krimeng libelo ang matatapat na tagabandila ng katotohanan at ang mga tagapagtaguyod ng karapatan ng taumbayan na maihayag ang kanilang saloobin, hinaing at aksyon laban sa mga tiwali sa lipunan.
Totoo naman dear readers na ginagamit kasi ng mga kriminal at korap ang krimeng libelo upang sikilin, takutin at busalan ang matatapat na journalist sa pagsisiwalat ng kabulukan at kriminal na gawain.
Halimbawa: Isang ‘drug lord’ ang buong tapang na nagsampa ng kasong libelo laban sa isang editor at reporter nito dahil sa sinigurado ng abogado nito na isang retiradong huwes na maipakukulong at pagmumultahin pa ng daan-daang libong piso.
Sa malaking takot, natigil ang expose laban sa drug lord.
Isa ito sa dahilan kaya sinuportahan natin noon pa si Senate President pro tempore Jinggoy Estrada na burahin na sa kodigo penal ang pananagutang kriminal sa libelo.
Ani Jinggoy, sapat at tamang parusa sa libelo ay ang pagbabayad ng multa, hindi ang pagkabilanggo.
Ang magbayad ng malaking halaga ay malaking banta at dahilan upang ang isang mamamahayag ay mapigil o matakot na magsulat at magpahayag ng kasiraan laban sa isang tao.
Dapat na baguhin na ngayon ang batas na libelo, at alisin ang parusa at pananagutang kriminal.
O kaya’y tuluyan nang alisin ang krimeng libelo, ngayon na!
***
Hanggang ngayon ay napakabagal pa rin ng internet speed at interconnection na matagal nang inirereklamo ng milyon-milyong subscribers ng Smart, Globe, Converge, Dito at iba pang telecom companies.
Pulos praise releases lamang ang improvement na naibigay ng mga telecom companies na ito, partikular ang Globe, Smart at Converge, at walang naging pagbabago.
Mukhang oks lang kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sebisyong ito ng mga telcos e ni tapik or pagkastigo kasi ay wala tayong nararamdaman at naririnig na aksyon mula sa kanya.
Kailangan na po PBBM na kastiguhin at patawan ng mabigat na multa ang PLDT-Smart, Globe at Converge na hanggang ngayon ay nagkakamal ng bilyon-bilyong piso sa kabila ng super kupad, palpak na serbisyong internet speeds sa bansa.
Nakahihiya ang Pilipinas sa mundo na tayo ay isa sa pinakakulelat sa bilis ng internet connections.
Ang mabilis na koneksyon ay hindi na isang bisyo o kapritso lamang: ito ay kabilang na sa ating karapatang pantao, ngayon na tayo ay nasa mundo ng mabilis na paggalaw ng teknolohiya ng komunikasyon.
Konektado ang internet speed sa bawat minuto ng ating galaw sa buhay.
Mahalagang gamit ito sa pagkuha ng mahahalagang impormasyon, kaalaman at sa negosyo, ‘wag nang idagdag pa ang halaga nito sa talastasan, edukasyon, siyensya, kalusugan, at iba pang mahalagang porma sa kilos, pagsasalita, sa pagtuklas ngayon sa makabagong mundo ng teknolohiya.
***
Dapat na kastiguhin na rin ni PBBM ang National Telecommunications Commission (NTC) sa napakalaking kasalanan nito kaya super bagal ang internet connections natin.
Hindi nito kinakastigo at inuobliga ang Globe, Converge, Smart at iba pa na paghusayin at makapantay tayo sa internet speeds ng ating mga kalapit bansa sa Asya.
Kaya dapat bukod sa pagkastigo sa NTC ay utusan na rin ngayon na ni PBBM ito na magtakda ng mandatory speed targets sa mga internet service providers bawat taon, at kung hindi ito magawa, ay patawan ng malaking multa kada araw.
Batay kasi sa mga isinagawang market research three years ago pa ay tataas hanggang lagpas na 85 percent ang gagamit ng cellphone mula ngayon hanggang 2026.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
