NANGAKO ang Malakanyang na hindi na made-delay ang pagpapalabas ng hazard pay at iba pang benepisyo ng medical frontliners.
Kasunod ito ng pagkamatay ng isang nurse mula sa Cainta, Rizal dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggap ang anomang benepisyo na naka-
mandato sa Bayanihan Law.
Nagpahayag ng simpatiya si Presidential Spokesperson Harry Roque sa pamilya ni Cainta Municipal Hospital nurse Tess Cruz na napaulat na nakatanggap lamang ng COVID-19 hazard pay na P64 kada araw sa loob ng 41 araw.
Sa ilalim ng Administrative Order 26, “a COVID-19 hazard pay of P500 per day should be given to government workers, including healthcare workers, who physically report for work.”
Binigyang-diin ni Sec. Roque na personal niyang sisiguraduhin na matatanggap ni Cruz ang P1- million compensation para sa healthcare workers na tinamaan ng sakit gaya ng nakamandato sa
Bayanihan Law.
“I wish to condole with the family of the deceased nurse. Bagamat hindi po nakuha on time at yung ine-expect nilang hazard pay, sisiguraduhin ko po ngayon personally na makukuha yung ayuda na ibinibibigay po sa health frontliners na namatay po dahil sa Covid,” ayon kay Sec. Roque.
Mula ngayon, ayon kay Sec. Roque, ang lahat ng medical frontliners ay makatatanggap ng kanilang COVID-19 hazard pay at iba pang benepisyo sa takdang oras.
Ang Department of Health (DOH), ayon pa rin kay Sec. Roque ay kailangan igarantiya sa mga lokal na ospital na sumunod sa Administrative Order 26 o pagpapalabas ng COVID-19 hazard pay.
“Yung AO kinikilala rin na iba-iba yung kakayahan ng iba’t ibang lokal na pamahalaan na magbigay ng ganitong hazard pay. Nagkataon po siguro na hindi kaya na magbigay ng siyudad ng Cainta ng P500 ,” anito.
Umaasa naman si Sec. Roque na magbibigay ng tulong ang DOH sa local hospitals na nakikipaglaban ngayon financially.
“Siguro magsu-survey kung ilan talaga yung mga nakaka-comply sa mga lokal na mga hospital at titingnan po natin kung pupuwedeng maibsan yang kakulangan na ‘yan ng DOH kung merong
pamamaraan dahil meron din pong mga legal restrictions siyempre ,” ayon kay Sec. Roque.
Samantala, tiniyak naman ni Sec. Roque na walang ibang displaced workers sa pamahalaan maliban sa 100 Light Rail Transit (LRT) Line 1 employees na kamakailan lamang ay na-laid off dahil sa 90 porsiyentong bagsak ng pasahero. (CHRISTIAN DALE)
