(DANG SAMSON-GARCIA)
HINAMON ni Senadora Risa Hontiveros si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na totohanin ang kanyang babala laban sa smugglers at hoarders sa pamamagitan ng agad na pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.
Sinabi ni Hontiveros na kung seryoso ang Pangulo sa kanyang pahayag, dapat simulan ito sa mga sangkot sa smuggling ng asukal.
Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang mga opisyal ng Department of Agriculture at iba pang opisyal ng executive department na nagpahintulot ng anya’y smuggling ng tone-toneladang asukal.
Ipinaalala ni Hontiveros ang tatlong kumpanyang nagpasok sa bansa nitong buwan ng Pebrero ng daan-daan libong tonelada ng asukal mula sa bansang Thailand, bago lumabas ang Sugar Order number 6.
Binigyang-diin ng mambabatas na base sa Anti-Agricultural Smuggling Law, malinaw na ang pagpupuslit ng imported na asukal nang walang sugar order mula sa sugar regulatory administration ay maituturing na smuggling.
Iginiit ni Hontiveros na dapat nakasuhan na ng economic sabotage ang mga sangkot subalit hanggang sa ngayon wala pa ring naisasampang kaso laban sa mga ito.
Samantala, hinikayat ni Senador Jinggoy Estrada si Pangulong Marcos na gumamit ng kamay na bakal laban sa mga smuggler at hoarder ng agricultural products sa bansa.
Iginiit ni Estrada na dapat hulihin agad ang mga smuggler na matutukoy, kasuhan at diretsong ipakulong.
Umaasa rin si Estrada na sa loob ng isa hanggang dalawang buwan ay magkakaroon na ng aksyon ang executive branch tungkol sa babalang ito ng Presidente.
