LAHAT NG AHENSYA DAPAT MAGBABA NG PRESYO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

INUTOS na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ibaba ang presyo ng mga materyales ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) pero hindi lang ang ahensyang ito ang dapat atasan kundi lahat ng mga ahensya ng gobyerno.

Matagal na itong raket ng mga regular at appointed officials sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno kaya panahon na para ipatupad ang kautusan nang seryoso at hindi lang sana pakitang-tao.

Sa materyales pa lang na 100% ang patong ng government officials kumpara sa presyo sa local market, ay nagkakaroon na ng malawakang korupsyon at matagal na itong nangyayari. Dekada-dekada na itong nangyayari pero hindi pinapansin.

Pero sabi ko nga, hindi lang sa DPWH ito nangyayari kundi sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno at ang magsasabing hindi ito totoo ay tamaan sana ng kidlat dahil sa pagsisinungaling at pagnanakaw sa mahihirap na mga Pilipino.

Meron akong isang classmate sa probinsya na nag-venture sa agrikultura at sa pamamagitan ng kanyang koneksyon sa mga politiko na kanyang tinutulungan tuwing eleksyon, ay nabigyan siya ng solar pump.

Ang tunay na halaga raw ng solar pump na ibinigay sa kanya ay P300,000 lang kapag binili mo ito sa pribadong kumpanya pero ang pinapirma sa kanya na acknowledgement ay mahigit kalahating milyong piso ang halaga.

Ibig sabihin pinatungan ang presyo ng halos kalahati ng presyo ng solar pump pero dahil kailangan niyang makisama ay tumahimik na lang siya dahil kung hindi ay baka hindi ibigay sa kanya na kailangan niya sa pagtatanim lalo na kung panahon ng tag-init.

Dapat ding silipin ang presyo ng mga solar pump na ipinamumudmod ng National Irrigation Administration (NIA) at ikumpara sa presyo sa local market para masiguro na hindi ninanakaw ang pera ng bayan.

‘Yung mga binhi at abono na ibinibigay ng Department of Agriculture (DA) sa mga piling magsasaka… uulitin ko ha… piling magsasaka…ay dapat ding ikumpara ang presyo sa local market ang kanilang pagkakabili.

Isama rin ang procurement ng local government units (LGUs) dahil malamang hindi lang sa national agencies nagkakaroon ng patungan ng presyo sa materyales lalo na sa local roads na ginagawa ng local executives.

Marami kasing local roads ang ipinagagawa ng LGUs ang hindi nagtatagal lalo na sa mga probinsya kaya malamang sa malamang ay bukod sa mahal ang idineklarang presyo ng materyales ay tinipid pa kaya pagnanakaw rin ‘yan.

7

Related posts

Leave a Comment