PALAISIPAN sa mga awtoridad kung may kinalaman sa kalakaran ng ilegal na droga ang pamamaril sa isang hindi kilalang lalaki nitong Linggo ng madaling araw sa Quiapo, Manila.
Dead on the spot ang biktimang inilarawang may edad 35 hanggang 40-anyos, nakasuot ng itim na may pink na sando at checkered na shortpants.
Base sa ulat ni Det. Jansen Rey San Pedro, ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 1:15 ng madaling araw nang makarinig nang sunod-sunod na putok ng baril sa ilalim ng tulay ng Quezon malapit sa Quinta Market sakop ng Quiapo.
Ilang barangay tanod sa Brgy. 306 ang unang nagresponde sa lugar ngunit nakatakas na ang mga suspek.
Agad nilang ipinaalam ang insidente sa tanggapan ni P/Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, station commander ng MPD- Station 3, saka ito ini-report sa Scene of the Crime Operatives (SOCO). (RENE CRISOSTOMO)
