ISA sa mga napakahalagang kaganapan sa kasaysayan ng bansa ay ang kakatapos lamang na halalan, kung saan nasaksihan natin ang paglobo ng bilang ng mga botanteng gumamit ng karapatan sa pagboto upang iluklok sa pwesto ang mga lider na kanilang pinaniniwalaang magbabangon sa ating ekonomiya mula sa epekto ng COVID-19.
Sa tulong ng teknolohiya at mabilis na internet connection, hindi naging matagal ang paghihintay natin sa resulta ng nakalipas na eleksyon sapagkat ilang oras lamang matapos ang halalan ay batid nating sina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte na ang magiging bagong presidente at bise-presidente ng Pilipinas.
Ngayong taon, itinala ng Commission on Elections (Comelec) ang pinakamataas na bilang ng botante matapos itong lumobo sa 67.5 milyon.
Bagama’t naging testamento ang mga pre-election survey sa pagkakapanalo ni BBM, tila ba isa pa ring sorpresa para sa karamihan ang pagkapanalo ni BBM, dahil kaliwa’t kanan pa rin ang kanilang mga rant at alegasyon sa social media na may daya umano ang nakalipas na botohan, na agad namang pinabulaanan ng Comelec.
Upang makatiyak ang mamamayan at matahimik ang mga hindi makatanggap ng pagkatalo ng kanilang kandidato, patuloy na hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbestigasyon sa alegasyon ng pandaraya.
Kung ating matatandaan, hindi lamang natin nakita ang pangalan ni BBM sa tuktok ng mga pre-election survey, kundi naging saksi rin tayo sa laki ng lamang niya kay Bise Presidente Leni Robredo.
Maliwanag ang hatol, at naging susi ang 31 milyong Pilipino sa katotohanang si BBM ang pinili ng taumbayan upang mamuno ng bansa. Kailangan nating respetuhin ang desisyong ito.
Ang proseso ng halalan ay itinatag upang magkaroon tayo ng isang mapayapa, matagumpay, at patas na halalan. Kailangan itong respetuhin at pagkatiwalaan ng mga Pilipino.
Kung mapatunayan mang may dayaan, asahan nating agad naman itong aaksyunan ng pamahalaan. Maghain ng pormal na reklamo kaysa sirain ang integridad ng electoral process. Hayaan natin ang awtoridad na gawin ang kanilang trabahong puksain ang anumang anomalya.
Pormal na ring tinanggap nina presidential candidates Senador Panfilo Lacson, Senador Manny Pacquiao, at Manila City Mayor Isko Moreno, ang kanilang pagkatalo.
Katulad ni Pangulong Duterte, hinimok din ng lahat ng mga losing candidate ang mga Pilipino na respetuhin ang boto ng bayan.
Sa bawat eleksyon, ating tanggapin na palaging dalawa lamang ang patutunguhan ng resulta ng bawat kandidatura—ang pagkapanalo at pagkatalo. Kahit sinuman ang ating personal na piniling mamuno ng bansa, dapat nating respetuhin ang demokrasya sa eleksyon, dahil kung hindi, bakit pa tayo may halalan.
