TILA pinatutsadahan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang ilang opisyal ng gobyerno na nasasangkot sa mga anomalya pero ayaw kumalas sa kanilang pwesto.
Ito’y matapos magbitiw sa tungkulin si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Arrey Perez, dahil sa akusasyon na may kaugnayan siya sa ilang contractors.
Matatandaang inanunsyo ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagbibitiw ni Perez kasunod ng pagbanggit ni Batangas Rep. Leandro Leviste sa pangalan nito bilang isa sa mga opisyal na konektado umano sa mga kontratista.
Si Perez ay isa sa limang undersecretary na personal na pinili ni Dizon nang italaga siya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang bagong kalihim ng DPWH noong nakaraang buwan.
Ayon kay Dizon, kusa umanong nagbitiw si Perez upang maiwasan ang kontrobersiya habang isinasagawa ang malawakang paglilinis sa ahensiya. Nilinaw naman ng kalihim na magpapatuloy ang imbestigasyon kahit sa mga opisyal na nagbitiw na.
“Walang sasantuhin sa imbestigasyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos,” giit ni Dizon.
Samantala, sinabi ni Atty. Ariel Inton, pangulo ng LCSP, na dapat tularan si Perez ng iba pang opisyal na nasasangkot sa isyu.
“Walang imbestigasyon, pahayag lang ng isang kongresista, pero nagbitiw si Perez. Ikumpara natin sa mga senador, congressman, at iba pang opisyal na pinangalanan na ng mga testigo, may ebidensya na laban sa kanila pero kapit-tuko pa rin sa pwesto,” ani Inton.
“Nagpapa-presscon pa, todo tanggi at naghahamon pa. Hindi ba nila kayang gayahin si Usec Perez na agad nagbitiw? Bihira ang may delikadesa. Pwede namang mag-resign habang iniimbestigahan. Pero iba kasi pag nasa pwesto — sayang kita, sayang pwersa,” dagdag pa niya.
