WINELCOME na ng Malakanyang ang mga lehitimong oposisyon sa gobyerno subalit tiniyak na lalabanan ang magsisilbing hadlang sa administrasyon.
Sa press briefing sa Malakanyang, hiningan ng komento Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa kung paano maaapektuhan ang ‘legislative agenda’ ng Pangulo sa nagbabadyang tagumpay ng six administration-backed candidates.
Ani Castro, inaasahan ng Pangulo na tutugunan ng mga nanalo sa Eleksyon 2025 ang pangangailangan ng publiko.
Winelcome din ng administrasyon ang presensya ng lehitimong oposisyon subalit pipigilan ang anomang hadlang o maninira na ang nasa isip lamang ay ang kanilang personal na kapakanan.
”Ngayon po na naboto na po ang susunod na leaders natin, umaasa ang Pangulo na ang bawat isa, ang lahat sa kanila na binoto ng sambayanan ay tutugon sa pangangailangan ng taumbayan.
Ang trabaho po nila ay para sa bayan, para sa taumbayan, hindi para sa iilang interes, so anumang kulay ‘yan, wine-welcome po talaga ng Pangulo na magkaisa ang bawat leaders natin para tugunan kung anuman ang problema at mabigyang solusyon ang pangangailangan ng kababayan natin,” ang litanya ni Castro.
”Pagka sinabi nating lehitimong oppositionist, ang ipinaglalaban nila ay ang bansa, ang interes ng taumbayan, hindi ang personal na interes.
Obstructionist, walang gagawin kung hindi manira, walang makikitang maganda sa ginagawa ng gobyerno at ang sariling interes lamang ang gustong palaguin,” ang paliwanag ni Castro.
(CHRISTIAN DALE)
