TINITINGNAN ng Commission on Elections (Comelec) na maiproklama ang 12 nanalong senador sa katatapos na May 12 midterm elections ngayong linggo.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, umaasa sila na makapagproklama sa Biyernes o Sabado.
Muling nagpulong ang Comelec, na nagsilbi bilang National Board of Canvassers (NBOC) noong Martes para simulan ang canvassing ng mga boto para sa mga senador at party-list groups.
Unang na-canvass ang mga COC mula sa local absentee voting, Baguio City at Ifugao.
Dumating din at na-canvass ang mga COC mula sa Timor-Leste, Brunei, Cambodia, Japan, Myanmar at Singapore.
Sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na ilalabas nila ang partial official tally ng mga boto simula Miyerkoles batay sa mga COC na na-canvass mula noong nakaraang araw.
Samantala, sinabi rin ni Laudiangco na walang nakikitang basehan ang komisyon para magsagawa ng partial proclamation sa mga top ranking senator.
Tugon ito sa hirit ni senatorial candidate Rodante Marcoleta na iproklama na ng Comelec ang mga nangungunang senador.
Ayon kay Laudiangco, nangyari na rin umano ang hiling noong 2022 pero nagawa pa rin ng komisyon na maproklama nang sabay-sabay ang labing dalawang nanalong senador.
(JOCELYN DOMENDEN)
