NABIKTIMA ng dalawang hinihinalang miyembro ng “Basag-kotse gang” ang isang pulis at natangayan ng baril sa Malabon City, nitong Sabado ng gabi.
Sa report nina PSSgt. Jose Romeo Germinal at PSSgt. Ernie Baroy kay Malabon City police chief, P/Col. Jessie Tamayao, alas-10:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Gov. Pascual St/ corner Sitio Gulayan, Brgy. Catmon, ng lungsod.
Ayon sa ulat, nagtungo sa Sitio Gulayan si PSMgt. Rugene Paule, 43, at P/Cpl. Kirshner Buendia, kapwa nakatalaga sa Station Intelligence Branch (SIB), kasama ang kanilang impormante na si Ariston Arceo, sakay ng isang Mitzubushi L300 (XDE312), para mag-serve ng warrant of arrest kontra sa wanted persons sa lugar.
Inilagay ni Paule ang inisyung baril sa kanya sa driver’s seat ng kanilang sasakyan saka nagtungo sa bahay ng kanilang target habang naiwang mag-isa sa sasakyan ang impormante para bantayan ang mga gamit.
Gayunman, dahil nakaramdam ng pananakit ng tiyan ay umalis ang impormante at iniwang walang tao ang sasakyan.
Nang bumalik ng kanilang sasakyan si Paule, natuklasan nito na basag na ang bintana sa driver’s side at nawawala ang kanyang HK 416 assault rifle cal. 5.56 at sling bag ng impormante na naglalaman ng wallet, P2,000 cash, driver’s license at SSS ID.
Agad nilang ini-report ang insidente sa pulisya na nagsasagawa ng follow-up investigation sa para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek. (FRANCIS SORIANO)
