NANAWAGAN ang isang senador sa pamahalaan na pagkalooban ng tulong pinansyal ang local government units (LGUs) na tumutulong sa paglaban sa COVID-19.
Sinabi ni Senador Win Gatchalian, ang tulong ay nararapat na ipagkaloob sa LGUs kasunod nang paglalagay sa modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan.
Paliwanag ni Gatchalian, ang mga alkalde hanggang sa mga barangay tanod ay nagsisilbing frontliners na nagkakaloob ng tulong sa nasasakupan nito.
“Marami sa mga taga LGU, lalo na ang mga tanod, ay nahahawaan na rin ng virus. Importanteng matulungan sila ng gobyerno dahil sila ang direktang nakikisalamuha sa mga residente at pumupunta sa mga bahay sa komunidad,” paliwanag ni Gatchalian.
Dagdag nito, ang Bayanihan To Recover As One Act (Bayanihan 2) ay inaasahang mapapagana ang mga LGU, dahil pinapayagan ang mga itong mag-autonomy habang ganap na nakikipagtulungan sa pambansang pamahalaan tungo sa maayos na pagpapatupad ng pambansang patakaran sa paglaban sa COVID-19.
Sa ilalim ng Bayanihan 2, papayagan ang lahat ng LGUs na magkaroon ng 5 porsiyento sa inilaang calamity fund at karagdagang pondo at suporta mula sa national government.
“Kailangang maaprubahan na ang Bayanhan 2, ‘yan ang schedule namin sa lalong madaling panahon. Kailangang may basehang batas para maibigay ang buong suporta sa mga LGU,” ayon pa sa senador. (NOEL ABUEL)
