Libreng bakuna ng COVAX posibleng bawiin sa Pinas PAHAMAK SI MAYOR

(CHRISTIAN DALE)

MAAARING mawalan ng alokasyon ng libreng bakuna mula sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO) ang Pilipinas dahil sa pagsingit ng ilang alkalde sa mga prayoridad na dapat mabakunahan.

Nangangamba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kontrobersyang nililikha ng mistulang pakikipag-unahan ng ilang personalidad at politiko sa vaccination program ng pamahalaan sa kabila na limitado pa ang bakuna sa bansa laban sa COVID-19.

Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing, ilan sa mga ginamit ng mga alkaldeng nauna nang magpabakuna ay AstraZeneca mula sa COVAX facility ng WHO.

Paliwanag niya, may nilagdaang kasunduan na dapat sundin ang listahan ng mga prayoridad na mabakunahan. Tatlong ulit na umanong binalaan ng WHO ang Pilipinas dahil sa mga paglabag sa kasunduan.

 

APELA
NG PALASYO

Kaugnay nito, nakiusap ang Malakanyang sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan at personalidad na tigilan na ang pakikipag-unahan para maturukan ng bakuna laban sa COVID-19.

Nangangamba si Presidential spokesperson Harry Roque dahil 44 milyong doses ng COVID-19 vaccine na libre mula sa COVAX facility ang maaring mawala kapag hindi nasunod ang priority list sa vaccination program.

“Jumping the line is wrong. Tama na po iyan. Iyong 44 million doses po natin na libre sa COVAX, mawawala kung hindi masusunod iyong priority,” ayon kay Sec. Roque.

Tiniyak kasi ng COVAX (COVID-19 Vaccines Global Access) facility ng WHO ang equitable access ng COVID-19 vaccines sa mahihirap na bansa.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay pinangalanan nito ang ilang local government officials na naunang magpabakuna kahit hindi naman kasama sa priority list.

“Number 1 dito is Mayor Alfred Romualdez of Tacloban City, Mayor Dibu Tuan of T’boli of South Cotabato, Mayor Sulpicio Villalobos of Sto. Niño of South Cotabato, Mayor Noel Rosal ng Legazpi City in Albay at Mayor Abraham Ibba of Bataraza sa Palawan,”pagsisiwalat ni Pangulong Duterte.

“We ask for your indulgence. Huwag po kayo mag-jump ng line. A1 pa lang po tayo. Kayo pong local officials ay nasa A4,” ang apela ni Sec. Roque.

Samantala, sinabi naman ni Pangulong Duterte na “mayroong gray area” ang rason ng mga alkaldeng naunang magpabakuna.

 

PARUSA

Kaya naman, nagdadalawang-isip ang pangulo kung tatanggapin nito ang “excuse” o rason ng mga local chief executive na nabakunahan na.
Sa ulat, pinagpapaliwanag ng DILG ang limang alkalde na nagpabakuna sa kabila ng utos ng pamahalaan na health workers ang unahin.

“Na-verify namin na totoo at ito ang naging basehan namin para sila ay padalhan ng show cause orders para magpaliwanag kung bakit sila nauna at hindi nila nasunod ang priority listing,” ani Densing.

Bukod sa mga nasa listahan ng DILG, may iba pang alkaldeng nagpabakuna na.

Kasama rito si Minglanilla, Cebu Mayor Elanito Peña, na nagsabing maituturing siyang frontliner at gusto lang niyang mahikayat ang mga residente na magpabakuna.

Samantala, inihayag ni DOH Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na nakipag-ugnayan ang DOH sa Department of Justice (DOJ) upang tukuyin ang eksaktong parusa sa mga alkaldeng lumabag sa “priority list” na idineklara ng Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa COVID-19.

Ayon naman kay Densing, bukod sa mga alkalde ay mayroon pang mga opisyal sa pamahalaang lokal ang nabalitaan ng DILG na lumabag sa prayoridad ng IATF.

Habang inamin ni Vergeire na kailangang maparusahan ang mga politikong lumabag, inaabangan ng media ang resulta sa imbestigasyon ng DOH at ng Food and Drug Administration (FDA) laban sa mga opisyal at miyembro ng PSG at kay Special Envoy to China Ramon Tulfo na nagpaturok ng bakunang hindi rehistrado sa FDA.

Matatandaan ding noong Marso 1, nagpaturok si Quezon Rep. Helen Tan sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) dahil doktor umano ang anak niya.

Noong Marso 2, si DILG Undersecretary Jonathan Malaya ay nagpabakuna sa Pasay City General Hospital (PCGH).

Si Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan naman ay tinurukan noong Marso 2.

Sina Tan, Malaya at Lacuna-Pangan ay hindi health care workers. (NELSON S. BADILLA)

250

Related posts

Leave a Comment